Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hi-tech na pagdisiplina sa mga tsuper

0 158

Pagdating sa kalsada, pahirap sa bawat motorista ang mga nakakaenkuwentrong walang disiplinang driver. Kaya naman malaking tulong ang ginagawang pagsuheto ng lungsod ng Maynila sa mga pasaway na tsuper.

Mula noong Disyembre 2020, nagpatupad na si Yorme Isko Moreno ng No Contact Apprehension Program o NCAP sa mga lansangan ng Maynila. At alam nyo ba na sa loob lamang ng isang buwan ay nakapaglista ng 14,000 traffic violators ang lungsod? Hindi ito typo error, talagang 14,000 violators ang nahuli sa loob lamang ng isang buwan! Akala siguro ng mga driver porke’t walang nakatingin ay sige-sige lang sila sa personal nilang sistema sa pagmamaneho kung saan binabalewala nila ang mga batas-trapiko.

Sa record ng Manila Traffic and Parking Management Bureau (MTPB) kadalasang nagiging violation ng mga driver ang hindi pagsunod sa traffic signals, traffic signs, pagbalewala sa lane markings at reckless driving.

Ang mga style bulok na pagmamaneho ang kadalasang pinag-uugatan ng mga aksidente kaya tama lamang na mabantayan ang mga drivers gamit ang makabagong sistema at teknolohiya. Sa ilalim ng NCAP ni Yorme, matik na pinadadalhan ng “notice of violation” o NOV ang mga nakarehistrong may-ari ng sasakyan na nakitang lumabag sa batas trapiko. Gamit ang address na nakasaad sa rehistro ng sasakyan ay ipinadadala ang NOV sa mga vehicle owners.

Kung may protesta ang may-ari ng sasakyan, puwede silang magreklamo sa Manila Traffic and Parking Management Bureau (MTPB) para marebisa ang mismong video ng kanilang paglabag. Sa ganitong paraan, mauunawaan ng may-ari ng sasakyan kung ano ang kanyang nilabag at matatandaan niya ito dahil sa perhuwisyong inabot niya sa pagbabayad ng multa at pagdaan sa proseso. Sa ganitong paraan, maikikintal sa isip ng tsuper na hindi niya dapat balewalain ang mga batas-trapiko.

Kaya naman hindi rin kataka-taka na mula nang ipatupad ang NCAP sa Maynila noong Disyembre ay pababa na ang nakikitang trend sa kanilang mga datos. Nasa 7-25 porsyento ang ibinababa kada buwan ng mga traffic violations. Malinaw na ipinapakita nito na natututo ang mga driver. Sumusunod na sila sa batas trapiko at inaayos ang kanilang pagmamaneho kahit wala silang nakikitang traffic enforcers sa daan. Alam nilang gumagana ang mga camera sa lungsod at alam nilang may naiisyuhan ng NOV kaya naman kuwidaw na sila sa pagmamaneho.

Malaking tulong talaga itong NCAP hindi lamang sa pagdisiplina sa mga driver kundi para maiwasan na rin ang mga away-kalsada na nangyayari kapag may face-to-face na alterkasyon ang mga traffic enforcers at maangas na driver. Sa kasaysayan ay marami nang buhay ang nalagas sa mga away-trapik.

Hindi lamang naman sa lungsod ng Maynila ipinatutupad ang ganitong sistema sa trapiko dahil sa ibang siyudad sa Metro Manila ay pinaiiral ito lalo na sa EDSA. Mas maige nang madisiplina ang lahat ng mga driver ng Metro Manila. Sa mga probinsya ay kawikaan na ng mga driver na kapag nakapagmaneho ka sa Metro Manila ay magaling ka na. Ito’y dahil sa dami ng mga maangas na drivers na mahirap makasalamuha sa daan.

Pero kung maikikintal sa lahat ang disiplina sa pagmamaneho sa pamagitan ng sistemang NCAP na tulad ng istriktong ipinatutupad ni Yorme Isko ay tiyak na mababago ang pananaw sa mga drivers ng Metro Manila. Kung mangingibabaw ang disiplina, mangingibabaw din ang respeto at mas maiingatan ang buhay ng bawat motorista na siyang kailangan sa lahat ng mga kalsada.

Leave A Reply

Your email address will not be published.