Abante Tonite Interactive

Hidilyn eksit na sa Athletes Commission

0 265

Nabigo na manatili sa maimpluwensiyang silya sa Athlete’s Commission ng Philippine Olympic Committee (POC) ang umaasam sa ika-apat nitong sunod na Olympics na si ­Hidilyn Diaz at ang champion boxer na si ­Eumir Felix Marcial sa ginanap na eleksiyon sa Fencing Hall sa Pasig City.

Si Diaz, na representante ng ­weightlifting, at si Marcial na mula sa boxing, ay nakakuha ng pinakamababang boto mula sa pitong kandidato upang maging opisyales ng ­Athletes Commission na magsisilbi para sa taong 2020 hanggang 2024.

Ang limang opisyales na inaasahang ­magiging boses ng mga pambansang atleta at coaches maliban pa sa pag-okupa ng silya sa makapangyarihang Executive Board ng POC ay sina Nikko Huelgas (triathlon), Cheska Altomonte (softball), Jessie Lacuna (swimming), Samuel Morrison (taekwondo) at Jake Letts (Rugby 7s).

Nakakuha ng pinakamaraming 78 boto si ­Altomonte habang ikalawa si Huelgas na may 71.

Ikatlo si Lacuna na may 69 boto at ikaapat si Letts na may 60 boto. Ikalima si Morrison na may 57. (Lito Oredo)