Abante Tonite Interactive

Hidilyn, Gretchen nilinis sa matrix

395

Nilinis ng Malacañang ang Olympian weightlif­ter na si Hidilyn Diaz at television host Gretchen Ho na napabilang ang pangalan sa inilabas na matrix ng mga personalidad na umano’y nagtatangkang manira sa reputasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ipinakita lamang sa diagram ang pagiging aktibo ni Rodel Jayme sa Facebook kung saan pina-follow rin nito sina Ho at Diaz.

Ang naging problema ani Panelo ay gumawa ng sari­ling konklusyon ang ilang media at isinama ang pangalan nina Diaz at Ho sa planong pagsira sa Presi­dente.

Abante Hiring – IT dep

“Ipinapakita lang doon `yung active facebook online ni Rodel Jayme, kung sinu-sino ang pina-follow niya, to visualize kung anong character niya, anong persuasion niya, anong political interest niya. Ipinakita pero hindi ibig sabihin involved sina Miss Diaz at Gretchen Ho,” ani Panelo.

Ang naging problema ayon sa kalihim ay inilabas agad ng ilang media na sangkot ang dalawa sa `oust Duterte’ plot na sinakyan naman ng ibang politiko.

Hindi umano niya naipaliwanag ito ng husto dahil nagmamadali siya noong Miyerkoles sanhi ng hinahabol na flight patungong Bohol.

“Hindi ko pinangalanan. That matrix is not mine, I did not make that matrix. Ako tuloy yung binabanatan. I’m just the messenger. Binabasa ko lang kung anong nakalagay doon. Siguro ang dapat tingnan natin `yung major players na nandoon,” dagdag pa ni Panelo.

Kasabay nito sinabi ng kalihim na hindi siya hihingi ng paumanhin kina Diaz at Ho dahil hindi naman siya ang gumawa ng matrix kundi ibinigay lamang sa kanya. (Aileen Taliping)