Abante Tonite Interactive

Higanteng sarimanok, ibon na tatlo ang mata, ET, anghel at Zeus naispatan sa Ciudad

451

Mga ka-Misteryo, hindi matunog sa pandinig ng tao ang Ciudad Verdadero at wala sa kalingkingan ng Bundok Banahaw sa kasikatan pero dito nagti­tipon ang mga psychic, medium/channels, relihiyoso, at iba pang nasa larangan ng metaphysical.

Ang rason, mara­ming kakaibang karanasan ang sinuman na nagpupunta sa Ciudad Verdadero, karanasang hindi pisikal kundi espiritwal dahil ang mga nakakasalamuha dito ay mga kakaibang nilalang sa kabilang dimensyon.

Sa muling pagbisita ng #Misteryo sa Ciudad Verdadero ay mu­ling naispatan ang mala-higanteng sarimanok sa isang lagoon pero saglit lang kung makita ang nilalang na ito.

‘Yan ang sinabi sa #Misteryo ni Marie dahil kitang-kita niya bilang clairvoyant ang napakalaki at napaka-makulay na sarimanok.

Misteryo: “Gaano siya kalaki nang makita mo? Noong nakita ko siya 10-taon ang nakalipas ay maliit pa siya pero sadyang ma­laki kung ihahambing sa karaniwang laki ng mga ibon at manok sa pisikal na mundo natin.”

Marie: “Na-amaze ako as in hindi ako makapaniwala, naka­tulala ako nang makita ko siyang lumilipad sa ibabaw ng ­lagoon. ‘Yung pagbuka ng wings niya sakop na ang buong lawa. Saglit lang siya nagpakita at biglang naglaho.”

Isa pang psychic, si alyas Roman ay nagsabing nakita niya si Zeus na bumaba sa Cretan Labyrinth habang nagaganap ang pakikipag-usap sa kanya ng grupo ng psychic at medium na bumisita doon.

Misteryo: “Anong hitsura ni Zeus? Paano siya nagpakita saka ‘di ba matangkad siya?”

Roman: “Parang sa movie ni Thor, na halos ganoon ang naganap nang bumaba si Zeus, may malakas na liwanag ang bumaba at tumama sa Cretan Labyrinth. Kung ano ang hitsura? Hindi ko masyado maaninag pero silhouette na maliwa­nag ang buong katawan habang nakaluklok sa isang psychic channel.”

Misteryo: “Nagmensahe ba siya? May nakita pa ba kayong ibang nilalang sa Ciudad Verdadero?

Roman: “Sinabi ni Zeus na hindi nila papayagan na masira ang planeta sa pang-aabuso ng tao. Kung may iba pang nakitang malala­king nilalang sa Ciudad ay ang mga ekstra-terestriyal, kilala din ang lugar na landingan ng mga UFO.”

Maraming mga nilalang ang nasa Ciudad Verdadero. Sa karanasan ng iba, may mga bantay doon na anghel lalo na sa chapel at matatangkad din habang may matatangkad ding elemento sa mga puno, bukod pa sa mala-higanteng itim na ibon na may tatlong mata.
***