Abante Tonite Interactive

Higit 1K bagong kaso ng HIV naitala

354

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng mahigit sa 1,100 bagong kaso ng tinamaan ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) noong Marso 2019.

Ayon kay DOH-Epidemiology Bureau, umabot sa kabuuang 1,172 bagong kaso ng HIV ang naitala ng HIV/AIDS Registry of the Philippines kumpara sa 739 kaso na naitala nila sa parehong buwan noong nakaraang taon.

Sa nabanggit na bilang, 11 ang nasawi dahil sa naturang karamdaman.

Sinabi ng DOH, nananatili namang ang sexual contact o pakikipagtalik ang nangungunang dahilan kung bakit naha­wa ng HIV ang may 1,148 sa mga bagong pasyente o 98 percent.

Habang ang iba pang modes of transmission ay ang paggamit ng karayom sa iligal na droga kung saan 11 indibidwal ang nahawa ng HIV.

May apat na kaso naman ang naitala sa mother-to-child transmission ng HIV habang hindi naman natukoy kung paano nahawak ng sakit ang natitira pang siyam na kaso.

Ayon sa pagtaya ng DOH, posibleng sa pagtatapos ng 2019 ay aabot na sa 93,400 ang mga Pinoy na mabibiktima ng HIV.

Kaugnay nito, hinikayat ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga taong natukoy na may HIV na mag-avail ng libreng treatment, care, at support services na ipinagkakaloob ng mga DOH-designated HIV treatment facility upang makontrol ang paglala ng kanilang karamdaman. (Juliet de ­Loza-Cudia)