Abante Tonite Interactive

Higit 1K kahon ng frozen meat galing China kinumpiska

204

Nakumpiska ng mga tauhan ng National Meat Ins­pection Service (NMS) ang isang container van na naglalaman ng 1,054 kahon ng frozen meat mula sa China sa Navotas City.

Dakong alas-10:00, Miyerkoles nang gabi nang masabat ng NMIS-National Capital Region (NCR) ang container van galing Pier sa Brgy. San Rafael.

Ayon kay Dr. Isidro Callangan senior meat control officer ng NMIS-National Capital Region (NCR), nakatanggap sila ng intelligence report na may isang container van na naglalaman ng mga karton na may lamang frozen meat. Base sa tip, dadaan daw ito sa bisinidad ng Navotas, kaya naman pumoste na ang mga awtoridad.

Ilang sandali dumaan na ang container van kaya pinara na ito ng NMIS at nang buksan ang laman, tumambad sa kanila ang mga patong-patong na karton ng frozen poultry gaya ng black chicken, duck liver at mga parte ng Peking duck na tone-tonelada ang kilo.

Dahil walang naipakitang dokumento ang may dala ng nasabing kargamento, kaya isinama ito sa tanggapan ng NMIS. Dadalhin sana sa Bulacan ang mga kontrabando na ikakalat sa merkado.

Sabi ni Dr. Callangan may ban ang Department of Agriculture sa mga pruduktong karne mula China dahil sa banta ng avian flu at African Swine flu.(Orlan Linde)