Abante Tonite Interactive

Higit 200M bonus sa mga atleta

484

Maagang masasalubong ng insenti­bo ang Kapaskuhan ng mga atletang nagwagi ng mga medalya sa natapos Miyerkoles nang gabi na 30th Southeast Asian Games Philippines 2019 sa NCC Athletics Stadium sa Capas, Tarlac.

Ito’y tapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dagdag na cash incentive sa mga miyembro ng Team Philippines na nagwagi ng ng 387 medalya sa likod ng 149 gold, 117 silver at 121 bronze para maging pangkalahatang magkampeon sa pangalawang pagkakataon sapul noong 1977.

Ipinangako ng Chief Executive na bibiyayaan niya ng dagdag na P250,000 ang bawat nakaginto, P150,000 para sa pilak at P100,000 sa tanso.

Ilan lamang sa inaasahang makakapagwagi ng pinakamalaking ­insentibo ang triple gold winners na sina ­dansport athletes Sean Mischa Aranar, Ana ­Leonila Nualla, Wilbert Aunzo at Pearl Marie Cañeda at mga double gold me­dalist na sina wushu ­artist Agatha Wong, gymnast Carlos Edriel Yulo, cue artists Rubilen Amit at Chezka Centeno, sprinter Kristina Knottt, Eric Shauwn Cray at iba pa.

Ang dagdag na pinansiyal na ­reward ay hiwalay pa sa regular na insentibo na makukuha ng mga medal winner sa Philippine Sports Commission base sa Republic Act 10699 o National Athletes and Coaches Benefit and Incentives Act.

Base sa batas, ang mga gold ­medal winner sa SEAA ay tatanggap ng P300,000 kada isa, ang mga silver ­medalist ay P150,000 at ang tanso sa ay P60,000. Ganito rin ang ihahandog ng Philippine Olympic Committee sa mga manlalaro.
Kung susumahin, magbubuhat sa PSC at POC ang humigit-kumnulang sa P140,000M (tig-P69,510,000), habang kulang o labis sa P70M ang manggaga­ling sa Malacañang Palace.

Ang awarding ng insentibo ay itinakda sa Disyembre 18 sa courtesy ng Malakanyang upang bigyang ­pugay ang Team Pilipinas sa pagwawagi nito muli sa overall championship ng SEA Games matapos ang 14 taon na ­paghihintay. (Lito Oredo/Aivan Episcope)