Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Higit P2M `damo’ bumulaga sa Fortuner

0 48

Mahigit P2.4 milyong halaga ng marijuana bricks ang nasamsam ng mga pulis mula sa isang sport utility vehicle (SUV) na naaksidente sa Barangay Bado Dangwa, Tabuk City, Kalinga kamakalawa.

Ayon kay Kalinga Police Provincial Office director Col. Davy Vicente Limmong, isang Toyota Fortuner na galing sa Upper Kalinga patungong sentro ng Tabuk City ang naaksidente sa pakurbang daan sa Bado Dangwa.

Sa ulat ng pulisya, nabangga ng Fortuner ang isang motorsiklong minamaneho ng 18-anyos na si Adrian Pangiditan na umokupa sa linya ng sasakyan sanhi para dumiretso at nahulog sa gilid na ibabang bahagi ng kalsada.

Rumesponde ang mga awtoridad sa aksidente subalit tumakas na ang nagmamaneho ng SUV at doon bumulaga sa mga awtoridad ang mga marijuana bricks na nakabalot sa diyaryo sa loob ng sasakyan.

Sinabi ng mga pulis na umaabot sa 20 kilo ang mga nasamsam na marijuana bricks na nagkakahalaga ng mahigit na P2.4 milyon.

Kinilala ng pulisya ang umano’y may-ari ng nasabing SUV na si Fernando Maccay ng Barangay Buscalan, Tinglayan, Kalinga batay umano sa nakitang papeles sa loob ng sasakyan. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.