Abante Tonite Interactive

Hijacker tumimbuwang, 2 kasabwat nakatakas

By
1,838

Bumulagta ang isang lalaki habang nakatakas ang dalawang kasamahan nito nang manlaban sa mga pulis matapos tangkaing i-hijack ang isang delivery van sa Road 10, Tondo, Maynila kahapon ng hapon.

Naganap umano ang engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at grupo nina Chief Inspector Jun Ibay ng District Police Intelligence and Ope­rations Unit ng Manila Police District, dakong alas-4:05 ng hapon sa kahabaan ng Road 10.

Nagsasagawa umano ng anti-criminality campaign sa nasabing lugar ang mga pulis nang magreklamo ang drayber ng delivery van na si Maximo Tayam at ang pahinante nitong si Abet Mendoza laban sa mga suspek.

Mabilis na hinabol ng grupo ni Ibay ang mga suspek na sakay umano ng motorsiklo pero nang kanilang inabutan ay nanlaban sa mga pulis.

Nasawi sa barilan ang hindi pa nakikila­lang suspek samantalang nakatakas naman ang dalawang kasama­han nito na magkaangkas sa motorsiklo.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nakikilala ng mga awtoridad kung sino ang suspek.