Abante Tonite Interactive

Hinabol ng ahas

190

Nanaginip po ako ng ahas. Malaki po ang ahas, hinahabol daw ako. Tumakbo po ako tapos po sa pinuntahan ko marami ring ahas pero hindi namn nila ako kinagat. Ano po kaya ang ibig sabhin nun?

Ang panaginip tungkol sa ahas ay nagpapakita ng takot at pagkabalisa. At kung bibigyan mo ito ng interpretasyon, una mong kailangang itanong sa sarili mo kung meron kang tinatakasang problema o anumang sitwasyon na pilit mong isinasantabi dahil posibleng ito ang ipinaalala ng iyong subconscious.

Sa iyong panaginip, nakakita ka ng malaking ahas at hinabol ka nito. Sa iyong pagtakbo sa halip na matakasan mo ang malaking ahas ay napapunta ka pa sa isang lugar kung saan mas maraming ahas.

Abante Hiring – IT dep

Ipinapakita nito na takot kang harapin ang isang sitwasyon sa buhay mo pero kahit anong iwas mo ay hindi ito nawawala sa halip ay lalo pang lumalala.

Ang iyong panaginip ay maaaring paalala ng iyong subconscious na dapat mo nang harapin ang anumang sitwasyong nagiging pahirap na sa iyong kalooban.

Kung wala ka namang tinatakasang problema o sitwasyon, ang ahas ay maaari ring representasyon ng mga taong nagpapahirap sa buhay mo. Sa aktuwal na buhay ay itinuturing nating ahas ang mga taong nagtatraydor sa atin. Kung nakakaramdam ka ng koneksyon sa aspetong ito, sino sa buhay mo ang maituturing mong ahas?

Pag-aralang mabuti ang nangyayari sa iyong aktu­wal na buhay. Hanapin kung saang bahagi ka nakakaramdam ng tensyon dahil kailangan mo nang harapin ito. Tulad sa iyong panaginip, hindi mo matatakasan ang isang isyu. Mas makabubuti pang maging matatag at sumabak nang harapan kaysa patuloy na dumami ang mga bagay na magpapahirap lamang sa isip mo.

Tulad din sa iyong panaginip kung saan hindi ka naman kinagat ng mga ahas na nakita mo, baka ang mga kinatatakutan mo sa aktuwal na buhay ay hindi rin naman pala tunay na nakakatakot.