Abante Tonite Interactive

Hinahabol sa panaginip

1,316

Dear Dream Catcher,
Tatlong gabi ko pong napanaginipan ang asawa ko na binabaril pero hindi tinatamaan. Nakakatakbo raw kami. Sa panaginip ko kilala ko ‘yung lalaki at inuutusan niya akong ‘wag kong ipapakita sa kanya ang asawa ko dahil papatayin niya. Pero ‘pag nagigising ako pilit kong iniisip kung sino ‘yung lalaking gustong pumatay sa asawa ko dahil ‘di ko talaga siya kilala. Tatlong gabi na po ito, iba-ibang eksena pero pare-parehas na babarilin ang asawa ko ng lalaking ‘yun. Sana po masagot niyo po ako, gusto ko lang po malaman ano ibig sabihin ng panaginip ko.
Shereen

Shereen,
Ang iyong panaginip ay mas nakapokus sa aspetong may humahabol sa iyo at sa asawa mo. Ang ganitong panaginip ay maaaring indikasyon na sa aktwal na buhay, ikaw ay umiiwas sa isang isyu at maaari rin namang umiiwas ka sa isang tao.

Sa iyong panaginip, ang taong humahabol sa inyo ay kilala mo kahit sa aktwal na buhay ay hindi mo pa nakikita ang taong ito. Hindi ikaw ang direktang hinahabol kundi ang iyong mister. Subukan mong tanungin ang iyong sarili kung meron kang iniiwasang isyu. Anuman ito, maaaring may kinalaman ito sa relasyon ninyo ng iyong mister.

Ano itong isyung pangmag-asawa na iniiwasan mong harapin? May lihim ka bang sama ng loob sa iyong mister dahil paulit-ulit ang mensahe ng iyong panaginip na may gustong bumaril sa kanya? Maaring ang taong kilala mo sa panaginip ay representasyon ng iyong sarili. Meron ka bang isyung sinasarili pero gustong-gusto mo nang buksan sa iyong mister pero tila natatakot ka sa resulta kaya hindi mo ito mailabas-labas?

Related Posts

Maaaring ang isyung ito ay masakit para sa iyo kaya pilit mong tinatakasan, iniiiwasan. At dahil nire-repress mo ang iyong sarili, pinipigilan, luma­labas naman ito sa pamamagitan ng panaginip. At nagpapaulit-ulit na lamang—recurring na. Posibleng mensahe ito ng iyong subconscious para gisingin ka at paalalahanang oras na para pag-usapan ang isyu.

Habang hindi mo binabago ang iyong sitwasyon, habang patuloy mong kinikimkim ang isang usapin, lalo itong nagpapabigat sa iyong isip at hindi mala­yong hindi matigil ang iyong recurring dream. Kaya naman lakasan ang loob. Ang lahat ay puwedeng idaan sa maayos at mahabang usapan.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.