Abante Tonite Interactive

Hinaing ng mga taga-probinsya

237

Ang campaign period ang paboritong panahon ng mga kababayan natin sa mga liblib na lugar sa mga probinsya.

Bakit kanyo? Kasi ito lang daw ang panahon na VIP sila sa mga kandidato.

Binibisita sila para manligaw at hilingin ang mga boto nila.

Pero bago sila dayuhin ng mga kandidatong ito, dapat daw ay maayos muna ang dadaanan nila at ito ang pinagpapasalamat nila.

Ayaw nilang dumaan sa maputik na kalsada kaya kahit pansamantala ay ipaaayos nila ito para madaanan nila.
Hindi pala magiging maayos ang kanilang lugar kung hindi pa eleksyon. Tsk….

Sa linya po ng a­king propesyon, ilang liblib na lugar sa mga probins­ya ang napuntahan ko.

Sa totoo lang, mapapaisip ka talaga kung paano nakakatagal ang mga tao rito na walang matinong kalsada.

Putik at hindi sementadong lupa ang kaila­ngang tawirin ng mga kawawang bata patungong eskuwela­han. Sa halip na kalsada, nagsusugal ng buhay ang ilan at sa dagat dumadaan gamit ang bangka para magbenta ng kung ano-ano para sa kanilang panga­ngailangan.

Napakalaki ng ginagampanang papel ng ating mga simpleng kalsada para sa pagpapaunlad ng turismo at kabuhayan sa ating mga barangay.

Related Posts

Pero paano mangyayari ito kung baku-bako, maputik at sira ang mga kalsada dahil sa nagdaang kalami­dad, sakuna at ang pinakamalupit ay ang sadyang pagpapabaya ng mga dapat na nag-aayos nito?

Isipin niyo na lang kung ano ang kalagayan nila sa panahon ng tag-ulan. Madulas at lalong delikado para sa mga bata at matatanda.

Alam naman natin kung ano ang solusyon dito eh. Pondo. Budget. Alokasyon.

Pero bakit hindi makilusan? Kaila­ngan ba ay laging panahon ng kampanya, ng eleksyon para matitigan at hindi lang matingnan ang problemang ito? Aba eh, maawa naman kayo. Itong mga opis­yal natin sa gobyerno, magmalasakit naman kayo. Kahit hindi na kayo maglakad sa maputik at sirang kalsada, ‘yun lang makita ninyo ang paghihirap ng mga kababayan natin ay nakadurugo na ng puso.

Sabi nga ng mga apektadong residente, kahit sila na lang daw ang magboluntaryong magtrabaho basta magkaroon lang sila ng maayos na kalsada.

Sa ngayon, wala silang magawa kundi magtiis. Sabi nga nila,nakakainggit ang mga taga-lungsod na ang inirereklamo ay ‘yung meron nga raw silang maayos na kalsada pero binabaha naman.

Maayos nga ang kalye nila pero binabakbak naman.

Makailang libong beses daw na gugustuhin nila ang ganung sitwasyon kaysa sa kanilang dinaranas na pagmulat at pagpikit ng kanilang mata ay dagat ng putik ang bubungad sa kanila.

Sana naman ay mawakasan na ang paghihirap ng mga kababayan natin.
Malasakit naman po mula sa mga namumuno.