Abante Tonite Interactive

Hinamak ang pagkatao

By
2,413

Dear Attorney Claire,

Good Morning po Attorney Claire, Please help me po sa problema kong ito.

Ano pong KASO ang pwede kong ISAMPA LABAN sa aking kapitbahay sa PAGHAMAK niya sa aking pag katao, na ako ay tawagin niyang MATANDANG BAKLA, na wala naman po akong ginagawang masama laban sa kanya.

Ang gusto ko lamang po ay mabigyan siya ng leksyon, para hindi na po niya gagawain ang PAGHAMAK pa sa ibang tao, at ang PAGHAMAK niya sa taong gusto niyang HAMAKIN.

Lubos po akong umaasa sa iyong payo at salamat po in advance sa kung ano pong KASO ang ILALABAN ko laban sa kanya.

Salamat,

Worthy

Mr. Worthy,

Sa pangalan mo pa lamang ay alam mo ikaw ay isang taong may halaga at hindi dapat na ibinababa ng kahit na sino sa gawa o sa salita. Alam mo sa sarili mo ang worth o halaga mo.

Una mong gawin ay dumulog sa barangay at maghain ka ng reklamong oral defamation at unjust vexation. Kung sa palagay mo na ang pagtawag niya sa iyo ng kung ano anong pangalan o panlalait ay karapatan mong magreklamo upang matigil siya sa pambabastos niya.

Kung sakali na magkasundo kayo sa barangay lamang ay magsisilbing aral na iyan sa kanya ngunit kung siya ay matigas at hindi nakipagkasundo ay maaari mo na siyang sampahan ng kasong oral defamation at unjust vexation (pag-iinis) sa prosecutor’s office na may sakop sa lugar kung saan naganap ang defamation. Humingi lamang ng Certificate to file Action sa barangay matapos ang mga takdang hearing nang walang pag-aayos.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o 922 0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com

***

Dear Atty Claire,

May katanungan po ako meron po kasing nakatira sa lupa ng nanay ko sa probinsya po ng Aklan.

Halos 20 years na sila doon pero hindi naman sila nagtatanim at wala naman kahit anong punong itinanim nila o anong produkto. Gusto lang kasi naming paalisin na sila kasi lalong dumadagdag na po ang nagpapatayo ng bahay at hindi man lang nagpapaalam sa nanay ko.

Noong unang dumating sila nagpaalam naman po na doon muna sila titira at magpapatayo sila ng bahay kasi wla silang matitirhan kaya pinatira muna ng mga magulang ko ng libre at wala pong bayad o rental manlang sa lupa.

Ang mga katanungan ko po kung paano namin paalisin sila po, kasi gusto na ring paalisin ng mga magulang ko kasi kaila­ngan na rin po namin yong lupa. Kaya po nakapag tanong lang kasi narinig po namin sa ibang tao na hindi na daw po sila aalis kasi nagustuhan na daw nila ang lugar doon na halos 20 years na daw sila nakatira doon kaya nagmamatigas po sila.

Atty Claire sana po matulungan mo po kami sa aming problema kung paano namin mapaalis po sila.

Kompleto naman po ang titulo ng lupa ng mga magulang ko.

Maraming Salamat po, at sana po marami pa kayong matulongan na tao kagaya ko.

Gumagalang,

Ipe Nazareta

Mr. Ipe,

Ang unang gawin ng mga magulang mo ay sulatan ang taong kausap nila roon o gumawa na ng demand letter na kailangan na nilang umalis sa lupa ninyo dahil gagamitin na ninyo ang lupa. Lahat kasi ng nakatira doon ay lumalabas na napayagan dahil sa una ninyong pinayagan ang unang taong tumira doon.

Kaya akin na ring iisipin na, na ‘tolerate’ ang iba na tumira dahil napayagan sila ng una ninyong kausap. Lalabas kasi na sila ay tumira ‘under the rights’ o dahil sa karapatan ng taong una ninyong kausap.

Kapag ganito ang sitwasyon ay ejectment o unlawful detainer ang dapat ninyong isampa sa loob ng isang taon matapos mapadala ng demand letter.

Ngunit kung ang mga tao roon ay tumira ng walang pahintulot at tumira ng walang alam ang unang kausap ninyo ay sasampahan naman ninyo ng forcible entry sa loob ng 1 taon matapos na makapagtayo sila ng bahay o matapos na malaman ang kanilang pag okupa. Kung lumagpas ang 1 taon ay accion publiciana na ang inyong isasampa sa korte.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o 922 0245 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com