Abante Tonite Interactive

Hinay-hinay sa gadgets

483

Mga tsong, hindi lang epekto sa utak at ugali ang naidudulot ng sobrang gamit ng gadgets kung hindi nagiging dahilan din ito para mapaaga ang pakikipag-eye ball kay Lord.

Ngayon, parang bagong normal na nga lang na may nababalitaan tayo na dalagitang naabuso ng mga hinayupak na gutom sa laman na nakilala nila sa social media. Konting pakikipagkaibigan, papayag nang makipagkita at makipag-inuman si babae; at kapag nala­sing… hahalayin.

Kung minsan, aba’y ibini-video pa ng hina­yapak na manyak ang kahayupan niya para magamit na panakot sa biktima at nang makahirit pa uli. Kaya naman bilib tayo sa tapang ng biktima kapag lumapit sa mga awtoridad para mahuli sa entrapment operation ang hayok na alagad ni Taning.

Pero maliban sa chat, nagdudulot din ng peligro sa buhay ang paggamit ng gadgets at “earphone” lalo na kung nasa labas ng bahay. Ilang insidente na ang naibalita na nasagasaan o nabundol ng sasakyan ang biktimang may suot ng “earphone” habang tumatawid.

Lilinawin natin na hindi natin sinisisi ang mga biktima sa kanilang sinapit pero dapat magsilbing babala sa iba ang mga nangyaring insidente. Hindi lang ang mga tumatawid ang dapat mag-ingat at iwasan ang magsuot ng earphone sa kalye kung hindi maging ang mga motorista.

Katunayan, ilang insidente na rin ng mga sasakyan ang nakasagasa nang hindi namamalayan ng driver. Aba’y may humihiyaw na sa ilalim ng kaniyang gulong pero dahil hindi nadidinig ng driver dahil may nakasalpak na earphone sa tainga niya.

But wait there more. Sa Malaysia kamakailan, isang 16-anyos na lalaki ang sinasabing namatay matapos makuryente. Ano ang kinalaman nito sa earphone? Sinasabing nakuryente ang biktima habang nasa tainga niya ang earphone at naka-charge naman ang kaniyang smart phone.

At hindi rin ito ang unang pagkakataon na nakabalita tayo na may nakuryente, nabuhay man o nasawi dahil nakatulugan nilang naka-charge ang kanilang cellphone. At kung minsan, depektibo pa ang kanilang charger kaya lalong nagiging mataas ang tiyansa ng aksidente.

Pero maging sa mga bata ay nakakatakot ang sinasabing epekto ng labis na pagka­kababad nila sa gadgets. Aba’y ngayon kasi, kahit mga sanggol na anim na taong gulang pa lang ay pinapahawak na ng tablet para manood ng video at makadinig ng mga musikang pambata. Habang busy si baby sa gadgets, busy rin sina mommy at daddy sa… kung anuman.

May mga pauna nang pag-aaral at obser­basyon na tinatawag na “screen disorder” [pero kailangan pa raw ng mas masusi pang pagsasaliksik] na may masamang epekto ang maagang pagkamulat ng mga bata sa gadgets. Kabilang na dito ang posibleng lumabo ang mga mata, matagal bago matutong magsalita, hirap makipagkomunikasyon, at iritable.

Ang pinakabago nga na base sa pag-aaral ng National Institute of Health (NIH) sa Amerika, sinabing may magkakaibang pattern na lumabas sa brain scans na ginawa sa mga batang matindi sa paggamit ng smart device at video game.

Lumabas sa pauna nilang pagsusuri na ang mga batang edad 9 at 10 na gumagamit ng gadgets ng higit sa pitong oras sa isang araw ay nakitaan ng maagang pagnipis ng kanilang “cortex,” ang bahagi ng utak na kamakamada ng sensory information.

Kung labis na pagka­babad sa gadgets ang dahilan nito at kung masama ang epekto nito, hindi pa matiyak ng mga dalubhasa dahil nga kasama ito sa mga pag-aaral na kailangan pa ang iba­yong pagsasaliksik. Pero ngayon pa lang, dapat na sigurong magdalawang-isip ang mga magulang sa pagpayag na magbabad sa gadgets ang mga anak lalo na kung ayaw niyo lang maistorbo sa inyong ginagawa. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”