Abante Tonite Interactive

Hinay-hinay sa paglusaw sa travel tax

0 233

FOR THE RECORD
Jeane Lacorte

May mga bill na isinumite sa Kongreso tungkol sa paglusaw ng travel tax o ‘yung tax na binabayaran ng mga Pilipino kapag umaalis sa bansa.
Totoong tama lang na i-review ang mga kasalukuyang policy kung nakakabuti pa ba ito sa turismo o dapat baguhin upang mas magbenepisyo ang turismo.
Dapat muna nating i-review kung paano ginagagastos ang travel tax sa bansa.
Ayon sa RA 9593 or Tourism Act of 2009, 50% ng collection mula sa travel tax ay napupunta sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, 40% napupunta sa Higher Education Development Fund (HEDF) na ina-administer ng Commission on Higher Education at 10% sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Magkano na lang ang mapupunta sa pagpapaganda ng tou­rism infrastructure kung ang daming ahensiyang naghahati sa travel tax na ito.
Noong 2018, ang gross collections ay uma­bot ng P6 bilyon, tapos 50% lang ang napunta sa TIEZA o P3 bilyon. Ibabawas pa rito ang administrative cost. Mas maliit na lang ang natitira sa tourism infrastructure na kailangang-kailangan ng bansa.
Kung i-aabolish ang travel tax at wala nang sisingilin sa mga ‘departing passengers’, dadagdag na naman ito sa popondohan ng gobyerno. Saan ito kukunin? Hindi pa nga nakakausad ang ating Universal Health Care Act dahil sa kakulangan ng pondo. Ang mga state universities ay halos lumobo na dahil sa dami ng estudyante dahil sa free tertiary education.
Kaya nga nagtaas ng excise taxes sa tobacco products para sa universal health care, para may mapagkunan ng pondo pero ang travel tax ay nandiyan na bilang source of revenues, pero gusto namang ipa-abolish.
Oo nga’t sa ngayon ay sinasagot ng DPWH ang pagpapagawa para sa mga kalye papunta sa mga tourist destination ngunit paano naman ang mga ibang pasilidad, tulad ng mga drainage, tourism assistance centers, maayos na palikuran (comfort rooms), pagpapaganda sa mga nasisirang tou­rist sites.
Halimbawa na lang sa Australia na kumukolekta ng tinatawag na passenger movement charge (PMC) sa halagang AUD$60 mula sa mga pasaherong umaalis ng bansa (air and sea). Gayundin sa Malaysia, bawat tao na umaalis ng bansa simula September 1, 2019, magbabayad sila ng departure tax, bukod pa sa airport tax. Ito ay nagkakahalaga ng mula RM8 (US$2) to RM150 (US$36), ayon sa Malaysian federal government gazette na na-issue noong July 31, 2019. Ang halaga ng departure tax ay depende sa flight destination and travel class.
(Sundan sa pahina 9)
Hinay-hinay…
(Mula sa pahina 4)
Kamakailan ang Japan ay nagpataw na din ng “sayonara tax” – kung saan ang lahat ng mga international visitors ay magbabayad ng JYP1,000 ($9.25). Lahat ng mga nasabing “travel tax” o “departure fees” ay inilalaan para sa tourism infrastructure ng mga bansa.
Ang tanong iaasa ba natin sa lokal na pamahalaan ang pagpapaganda ng tourism infrastructure sa kanilang lugar or mangungutang sa Japan or China para madagdagan ang pondo?
Kung wala ng travel tax, maaring mas maging malaya ang Pilipinong maging turista sa ibang bansa, ngunit baka bumagsak naman ang domestic tourism sa bansa na nagbibigay ng trabaho sa iba.
Ayon kay DOT Secretary Berna Romulo, umabot sa pitong milyon ang foreign tourists sa Pilipinas sa bansa noong 2018 ngunit umabot na ng 97 milyon na ang domestic tourists noong 2017.
Sa ganang akin, hindi travel tax ang problema natin, kundi ang prayoridad ng gobyernong ayusin ang tourism infrastructure ng bansa.
Nakapokus ang build, build, build sa transportation, railways ngunit ‘di dapat maiwan ang turismo na pinagkukuhanan ng trabaho ng maraming tao.