Abante Tonite Interactive

Hindi ba kayang awatin ang taunang tuition fee hike?

23

May nakaamba na namang pagtataas sa matrikula sa kolehiyo kasabay ng nalalapit na pasukan.

Ayon mismo sa Commission on Higher Education (CHED) nakatakdang aprubahan ang petisyon ng hindi hihigit sa 300 private higher education institutions (HEIs) na dagdag-singil sa tuition fee at iba pang bayarin sa mga eskuwelahan sa kolehiyo at mga unibersidad.

Aminado ang CHED na taun-taong nagkakaroon ng pagtataas sa tuition gayunman ay mahigpit naman umano ang ipinatutupad ng mga guidelines ng CHED kaugnay ng tui­tion hike at pagtaas ng iba pang mga bayarin.

Ngayong taon ayon sa CHED ay gumamit ang ahensya ng isang education deflator formula kung saan kapag pasok ang panukalang tuition hike sa formula ay papayagan ang pagpapatupad nito.

Subalit kapag lumagpas ay kinakailangang magpaliwanag ang mga ito kung bakit dapat magtaas sila ng tuition.

Sinusukat ng “education deflator” ang average cost ng serbisyo ng pagbibigay ng edukasyon base sa regional inflation rate.

Nirerespeto anumang panuntunan mayroon ang CHED.

Pero ang aming tanong bakit kailangang taun-taon magpatupad ng tuition fee hike? Wala bang kakayahan ang CHED na awatin ito o hindi kaya ay magpatupad ng pagtataas tuwing makalipas ang limang taon o tatlong taon?

Sobrang pahirap ang taunang pagtataas sa matrikula na ipinatutupad. Hindi makatwiran sa mga estudyante, lalo na sa mga magulang na hindi naman taunang nakakaramdam ng pagtataas sa sahod.

Kaya sana makaisip ng ibang solusyon ang CHED sa kung anumang hirit ng mga HEIs at hindi ang laging pagtango sa kahilingan ng mga ito ang gawin.