Abante Tonite Interactive

Hindi BSP sina Ninong at Ninang

0 360

Hindi ko makalimutan ang bahagi ng pana­yam ko noon sa aking mentor, ang sociologist na si Bro. Clifford Sorita nang interviewhin ko siya tungkol sa pagbibigay ng aguinaldo tuwing Pasko.

Nag-trend kasi ang kanyang statement, “Hindi Bangko Sentral ng Pilipinas sina Ninong at Ninang. Kundi, gabay natin sila sa pana­nampalataya sa Diyos.”

Maiksi pero malaman ang wika ni Sorita. Masakit man aminin pero totoo na ginagawa nang negosyo ng ilan ang pamamasko.

Kung ako ang tatanungin, ‘di naman masamang bisitahin sina Ninong at Ninang tuwing Pasko para magmano. Pero huwag ta­yong umasa na may isusukli sa ating aguinaldo.

Katulad din ba kita na maraming inaanak? Kulang na lang ng dalawa, sarado sitenta na sila. Hindi sa nagbubuhat ng bangko pero hindi ko gawaing magtago tuwing Pasko.

May tatlong buwan pa bago mag-Pasko. Mahaba-haba pa ang panahon para makapag-ipon ng pera pambili ng regalo o aguinaldo para sa mga inaanak.

Alam kong challenge talagang mag-ipon lalo na kung pamilyado. Marami ka ring gastos.

Narito ang ilang tips para makamenos sa gastos at makaipon ng mga pangregalo nga­yong Pasko.

Imbes na mag-happy happy tuwing Friday night kasama ang barkada, ipunin na lang ang pera. Puwede pa rin namang magsaya matapos ang buong linggong trabaho basta i-budget lang ang gastos.

Iwasang bumili ng mamahaling kape. Nauubos ang pera mo kabibili ng mahal na kape. Bakit hindi mo subukang uminom nang mainit na 3-in-1 coffee? Tiyak na swak sa budget mo.

Kung nakagawian mo nang bumi­sita sa salon at spa tuwing ikalawang linggo para magpalinis ng kuko, bakit hindi subukang ikaw na lang ang mag-mani at mag-pedi sa sarili mong mga kuko?

Importante ring magtipid sa konsumo ng kur­yente. Ngayong ‘ber months’, malamig na ang simoy ng hangin. Huwag nang gumamit ng aircon sa gabi.

Ewan ko kung sasang-ayon kayo. Pero sana maiwasan munang gumala sa mga mall. Mara­ming temptation doon. Kahit pa sabihing window shopping lang, siguradong mapadudukot ka rin sa bulsa mo.

Hindi talaga sasapat ang tipid mode. Kailangan pa ring humanap ng ibang source of income.

Puwede kang magbenta ng home-made pastries. O ‘di naman kaya’y mag-garage sale ng mga kasangkapan sa bahay. Tingnan din ang mga damit at sapatos sa tukador na hindi na ginagamit o napagliitan na, baka puwede ring i-resell sa mas murang halaga.

Ang sa akin lang, kailangan talagang mag-ipon hindi lang ngayong Christmas season, kundi sa buong taon. Mahalagang laging may laman ang bulsa para in case of emergency, hindi ka mamomroblema.