Abante Tonite Interactive

Hindi dapat humantong sa pisikalan

10

Humantong sa pisikalan ang nangyaring pagtatalo sa pagitan ng ilang mambabatas ng Taiwan.

Nag-ugat ang gulo sa kontrobersiyal na $19B infrastructure project dahil tutol ang mga oposisyong mambabatas sa proyekto.

Tinututulan ng mga oposisyon ang pag-arangkada ng proyekto dahil mga lungsod at bayan lamang ng kaalyadong partido lamang daw na Democra­tic Progressive Party (DPP) ang makikinabang. Ang humaharang sa proyekto ay ang oposisyong partido na Kuomintang.

Dahil sa mainitang pagtatalo ay humantong sa sakalan, batuhan ng water bombs ang iringan. Marami ang nadamay sa kaguluhan dahil sa pag-awat sa nagtalong mga mambabatas.

Mariin namang kinondena ng DPP ang ‘violent boycott’ kaya humihingi sila ng ‘public apology.’

Maraming bayolenteng pagtatalo na ang nasasaksihan natin sa larangan ng pulitika sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Pero mapalad pa rin tayong mga Filipino dahil hanggang pormahan at satsatan lang ang nangyayari sa ating mga mambabatas na nagtatalo sa ilang isyu.

Kadalasan pagkatapos ng umaatikabong pagtatalo ay nagbabati agad ang nagtatalong panig na isang napakabuting katangiang taglay ng ating mga mambabatas.

Hindi naman na dapat pang humahantong sa karahasan katulad ng pangyaya­ring ito sa Taiwan dahil wala itong naitutulong sa isang nireresolbang usapin.

Ang dapat ay maging mahinahon upang nababalanse at natatalakay nang maayos ang bawat isyung hindi napagkakasunduan.

Hangad nating magsilbing leksyon sa ating Kongreso ang pangyayaring ito sa Taiwan government upang hindi maging usap-usapan sa buong mundo lalo na’t isyung may kinalaman naman sa inyong nasasakupan ang pinag-uusapan.