Abante Tonite Interactive

Hindi dapat pahirapan ang proseso sa libreng tuition

By
19

Mukhang mawawala ang magandang layunin ng ipinasang batas hinggil sa pagkakaloob ng libreng matrikula sa mga estud­yante sa kolehiyo sa ilalim ng State Universities and Colleges (SUCs) sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.

Ito ay dahil sa pahirapang sistemang ipinaiiral ng mga SUCs sa mga kuwalipikadong estudyante.

Binibigyan daw ng tatlong araw ang bawat ­estudyante para kumpletuhin ang mga kinakaila­ngang requirements bago makalibre ng matrikula.

Kapag hindi nakum­pleto ang hinihinging ­re­quirements sa mga estud­yante, sorry ka na lang at maghanap ka ng ipambaba­yad mo sa eskwelahang gusto mong pasukan.

Ang pahirapang pro­sesong ito ang iniaangal ng ilang estudyanteng gustong makinabang sa libreng edukasyong handog ng gobyerno na pinag­laanan ng P8 bilyon.

Dapat makarating sa kinauukulan ang mga pangyayaring ito.

Sayang naman ang magandang hangarin ng batas na ito kung may ganitong pagpapahirap na ipinaiiral.

Kailangang tanggalin ang mga pahirapang prosesong ipinatutupad upang mas marami ang makinabang sa libreng tuition fee na ito.

Kung mayroon unang dapat na makinabang sa libreng matrikula walang iba kundi ang mahihirap nating mga kababayan katulad ng mga kaanak ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Dapat ay awtomatiko na silang pasok at hindi na kailangan pang hanapan ng kung anu-anong cheche bureche na malinaw namang istilo lamang ng mga eskwelahan para pahirapan ang mga estud­yante at hindi makapasok sa panuntunang kanilang gustong ipatupad.

Kaya ang ating panawagan sa mga tagapangasiwa ng libreng edukasyon na ito, huwag niyo namang pahirapan ang mga estud­yante dahil ipinasa ang batas sa pagnanais na makatulong sa mga mahihirap na estudyante na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.