Abante Tonite Interactive

Hindi happy sa tagumpay sa WPS

By
6

Nalulungkot ako kapag may mga kapwa ta­yong Pilipino ang nagdududa at hindi suportado ang tagumpay ng ating bansa tulad na lamang itong pagkapanalo natin sa Permanent Court of Arbitral (PCA) kontra sa China.

Noong ilabas kasi ng PCA ang ruling noong July 12, 2016, ang pinakamakasaysayang araw para sa Pilipinas kontra sa pambu-bully ng China, mayroong akong mga nabasang opinyon ng ilang Pilipino na mga dating lider pa man din ng bansa na hindi masaya sa tagumpay natin.

Na kesyo posibleng nakialam ang Estados Unidos, na kesyo baka inimpluwensyahan ng Amerika ang PCA para paboran ang Pilipinas sa kasong isinampa natin kontra sa China dahil inangkin na nila ang ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Halatang hindi sila kasama sa mas nakakaraming mga Pilipino na nagbunyi sa tagumpay ng lahing Pi­lipino kontra sa mas malakas at mas mayamang bansa na hindi na kailangang gumamit ng puwersa.

Hindi ko alam kung kaya hindi sila masaya dahil si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang nakaisip na dalhin ang labang ito sa United Nation (UN) dahil wala naman tayong binatbat kapag ang nakipag-giyera tayo sa China.

Marami kasi sa halatang hindi masaya ay kontra kay Aquino at kabilang sila sa mga kritiko ng da­ting Pangulo noong nasa poder pa ito kaya iniisip ko na lang na baka ito ang dahilan kaya hindi sila nakipagbunyi.

Iniisip ko na lang na sa isip at puso nila ay nakipagbunyi din sila ng lihim sa tagumpay nating ito pero hindi nila maipakita dahil ang pasimuno kaya nagtagum­pay tayo ay ang taong kanilang kinaiinisan…si Noynoy.

Pero sa ayaw at sa gusto natin, kung hindi kay Noynoy at mga legal minds ng kanyang gobyerno at mga miyembro ng Korte Suprema tulad nina Associate­ Justice Antonio Carpio at Francis Jardeleza eh hindi natin nakamit ang tagumpay na ito.

Sila lang kasi ay naglakas loob na dalhin ang kasong ito sa UN para ipagtanggol ang ating teritoryo kontra sa China. Hindi ‘yan naisip nila dating Pangulong Fidel Ramos, dating Pangulong Erap Estrada at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi sa kinakampihan natin si Noynoy at mga legal minds na nagtulung-tulong para ipaglaban ang ating teritoryo sa mapayapang paraan, pero saludo tayo sa kanilang ginawa at puwede nang sabihin ng kanilang mga kaapu-apuhan na ang “lolo ko ang kasama sa nakipaglaban” kaya nabawi ng Pilipinas ang ating karagatan.”.

Isa sa mga inabangan nating magsalita noong ilabas ng PCA ang kanilang ruling ay ang Statement ng Department of Foreign Affairs (DFA) pero marami ang pumuna sa social media kay Secretary Perfecto Yasay dahil mukhang hindi rin siya masaya.

Makulimlim ang mukha ni Mr. Yasay na hindi mukha ng isang taong nagtagumpay sa isang laban kaya ang puna sa kanya sa social media, “eh bakit mukhang malungkot sa panalo Mr. Secretary”.

Sabagay, hindi naman kasi kasama si Yasay sa nakipaglaban sa UN kundi ang kanyang pinalitan na si dating DFA Secretary Albert del Rosario. Baka lang nahiya na akuin ang tagumpay ng iba.

Pero ang mga Pilipino napakasaya dahil kahit hindi tayo nakipaggiyera ay nanalo tayo para ipagtanggol ang ating teritoryo sa mga mananakop. Puwede palang manalo na hindi gumamit ng puwersa. (dpa_btaguinod@yahoo.com)