Abante Tonite Interactive

Hindi importasyon ang solusyon

MAGDALO

238

Iginigiit ng Department of Agriculture (DA) na 96% self-sufficient na tayo sa bigas, kahit na ang katotohan ay tone-tonelada pa rin ng bigas ang ating inaangkat mula sa ating mga karatig bansa gaya ng Thailand at Vietnam. Ayon sa World Bank, ang agrikultural na produksyon ng Pilipinas ay kakikitaan ng patuloy na pagbaba nitong mga nakaraang taon dahil sa ilang mga kadahilanan, gaya ng pagkawala ng interes ng mga Pilipino sa agrikultura at epekto ng climate change.

Matatandaan na mag-aangkat ang National Food Authority (NFA) ng 203,000 toneladang bigas para maibsan ang kasalukuyang kakulangan nito. Dahil din sa krisis na ito, nadama ng sambayanang Pilipino ang markadong pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado, na mas pinalala pa ng umiiral na epekto ng TRAIN Law sa ating ekonomiya.

Ang solusyon daw diumano ayon sa administrasyong Duterte ay mag-angkat ng mas marami pang bigas. Subalit, lingid sa kaalaman ng nakararami ay maaaring ikalugi ito ng ating mga magsasaka dahil hindi naman sa kanila babalik ang kikitain sa pagbebenta ng bigas na galing ibang bansa.

Kung talagang seryoso ang administrasyong ito sa pagpapaunlad ng ating agrikultura at mabigyan ng seguridad sa pagkain ang bawat Pilipino ay dapat pag-ibayuhin pa nito ang pagsuporta sa ating mga magsasaka. Ang importasyon ng tone-toneladang bigas ay hindi lang magastos, kundi isa lang panandaliang solus­yon na hindi lulutas sa ugat ng problema.

Mahalagang siguraduhin ng administrasyong ito na sapat ang tulong na kanilang ipinaaabot sa ating mga magsasaka. Ang gobyerno dapat ang siyang pangunahing bumibili ng bigas na kanilang inaani at magbigay ng sapat na tulong pinansyal upang makabili ang mga magsasaka ng mga binhi at pataba sa kanilang lupa.

Dapat ding pag-ibayuhin pa ng administras­yong Duterte ang pagtatayo ng mga de kalidad na imprastruktura para sa pagsasaka gaya ng farm-to-market roads at irigasyon. Mahalaga ring suportahan ang pananaliksik tungkol sa agrikultura upang makatuklas ng mga teknolohiyang makatutulong upang mas maparami ang kanilang ani at maprotektahan ito sa panahon ng kalamidad.

Kung sapat ang tulong sa magsasaka ay makasisigurado tayong lalakas ang ating agrikultura. Hindi na tayo magkakandarapa na maghanap ng pag-aangkatan ng bigas at mangangamba na bukas-makalawa ay wala nang makain ang mga pamil­yang Pilipino.