Abante Tonite Interactive

Hindi kaibigan ang turing sa atin!

176

Kapag ikaw na may-ari ng lupain at pinaalis ka ng ilegal na nag-ookupa, hindi ka na mapipikon dahil pinapaalis ka sa sarili mong teritoryo?

Hindi ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na umokupa sa Housing unit ng mga pulis at sundalo sa Pandi, Bulacan ang tinutukoy ko kundi ang Chinese forces na umokupa sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Maraming napikon at nagalit nang warningan ng Chinese ang C-130 na sinakyan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Eduardo Año patungong Pag-asa Island.

Pag-aari natin ang air space na nililiparan ng eroplano tapos tayo pa ang paaalisin ng mga illegal occupants sa teritoryo natin sa Spratly Islands? Naman!!

Talaga bang kung sino ang mga illegal occupants ang siya pang nagmamatapang?

Nasaan ang hustisya sa mundong ito? Patapangan at paramihan na lang ba ng puwersa ang labanan?

Akala ko ba kaibigan ang tingin ng China sa Pilipinas bakit kung tratuhin tayo eh parang hindi naman kaibigan? Hindi kaibigan ang turing ng China sa atin!! ‘Yan ang totoo!!

Parang gusto ko tuloy maniwala na kaya tayo kunwaring kinakaibigan para ‘di natin sila bulabugin sa patuloy nilang pagsakop sa ating teritor­yo sa West Philippine Sea at kamkamin ang langis at iba pang yaman na nasa ilalim ng mga islang ilegal nilang inokupahan.

Sa pagkontrol na ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea, huwag na tayong magulat kung nagsisimula na silang nagdi-drill ng langis at gas. Baka ninanakawan na tayo dahil wala naman nagtse-tsek sa kanilang mga aktibidad.

Eto na ‘yung epekto ng Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) na pinasok ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa China noong 2004.

Nalaman ng China kung gaano kayaman ang West Philippine Sea sa langis dahil pinayagan ni Aling Gloria na magsawa ng oil exploration ang China.

Joint o katuwang ng China ang Pilipinas sa Joint Exploration pero bakit hindi ibinahagi ng China ang resulta ng kanilang exploration sa Pilipinas? Sinolo ng mga Intsik. Inisahan ng mga Intsik ang mga Pinoy?

Kahit yata si Aling Gloria walang hawak na report ukol sa resulta ng Joint Exploration kaya wala siyang maipagmalaki sa mga Filipino at sabihin sa mukha natin na “….eto o. dito tayo maghuhukay dahil billion barrel ng la­ngis ang nakabaon diyan!”

Sabi nina Akbayan party-list Rep. Tom Villarin at dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Javier Colmenares, 65 ang kasunduang pinasok ni Mrs. Arroyo sa China sa 9 na taon nito bilang Pangulo na anim na beses ang dami kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Kasama na diyan ang JMSU at ang kapalit, ayon sa dalawang mambabatas ay ang North Rail Project at ZTE broadband deal na kapwa ‘di natuloy dahil batbat daw ng anomalya! Diyos ko naman!! (dpa_btaguinod@yahoo.com)

Tonite – Wendys Inhouse Ad