Abante Tonite Interactive

Hindi kandidato ‘wag mag-away at magdebate

By
0 185

Tila naiiba ang direksyon ngayon sa panahon ng kampanya para sa eleksyon lalo na ang mga kandidato sa pagka-senador.

Bigla kasing napunta ang away at debate sa pagitan nina Vice President Leni Robredo at Davao City Mayor Sara Duterte sa halip na ang mga kandidato ang maglabu-labo.

Sa batuhan ng pahayag ay agad na mu­ling umatake ang mga troll at influencer sa social media ng mga kakampi ni Duterte at muling inilalabas ang mga personal na banat sa boss presidente.

Biglang naiba ang direksyon dahil ang dapat na magdebate ay ang mga kumakandidatong senador.

Obligasyon ng mga kandidato sa pagka-senador na mailatag ang kanilang plataporma at posisyon sa bawat isyu sa bansa na maaaring makaapek­to sa pamumuhay ng mga Pilipino.

Mahalagang mabig­yan ng sapat na impormasyon ang mga botante para maging gabay sa ibobotong senador.

Dapat ay manahimik na ang politiko na hindi naman kandidato at sa halip ay hikayatin pa nga ang mga kandidato na ilatag sa publiko ang plataporma.

Dapat ay hindi na rin patulan ni VP Robredo si Mayor Duterte dahil hindi sila magkalebel lalo’t magkaiba sila, ang isa ay national leader at ang isa ay lokal.

Nakahanap lang ng lusot si Mayor Sara sa kaniyang palpak na pahayag na hindi kaila­ngan ng katapatan o honesty ng isang kanidato sa kasalukuyang eleksyon.

Maliwanag sa ating saligang batas na ‘public office is a public trust’ kaya naman dapat ay tiyakin ng mga botante ang ibobotong opisyal ay matapat at hindi magtataksil sa taumbayan lalo na ang pagsusulong sa pansa­riling interes.