Abante Tonite Interactive

Hindi kawalan ang zero love life sa Valentine’s

217

Ang dami kong naririnig na mga sentiments tungkol sa kawalan ng date sa Valentine’s Day.

Daming shout-out at quotation post sa social media na nagpapalakas ng loob sa mga taong walang boyfriend o asawa, o walang romantic celebration sa Valentine’s Day.

Ako rin po ay walang date dahil naghabol ako ng oras sa soft opening namin ng aming store sa Molito Alabang, ang Hazelberry Café.

Hindi ko namala­yan na Valentine’s na pala, na okey lang dahil mas long term ang future na pinaghahandaan ko sa aking cakes at pastries business.

At nag-mini concert ako kasama ang kaibigan kong si Jan Marini, ang daughter ni­yang si Rian, si Clifford Hensen, sa unang branch namin sa Commonwealth ng Hazelberry Café, at dumating ang buong family ko to support.

Ang saya kasi hindi lang sarili mo ang napasaya mo kundi ‘yung ibang tao, na hindi mo lang binusog kundi kinantahan mo pa.

Noong bata-bata ako, lagi kong nilu-look forward ang Valentine’s para sa karelasyon ko noong mga panahong ‘yun.

Pero ngayon, hindi ko hinahanap at parang hindi kawalan sa buhay ko na boyfriend-less ako ngayon.

‘Yun nga ang dapat isipin ng mga babae o lalaking walang boyfriend o girlfriend nitong nakaraang Valentine’s.

Kasi totoo namang mas marami kang dapat pag-ukulan ng panahon at pansin sa buhay, hindi lang ang pangangailangan ng puso.

‘Pag ikaw ay abala, madalas hindi mo namamalayan na araw na pala ng mga puso. May mga tao namang busog na sa bonding ng kanilang pamilya sa isa’t isa. Ang iba naman ay sa mga friends at loved ones.

Ito ‘yung tinatawag nilang maturity, na ang focus ng atensyon mo na lang ngayon ay sa sarili mo at sa anak mo.

Though, nangangarap pa rin akong magkaroon someday ng lalaking mamahalin, hindi lang ako kundi ang anak ko at ihaharap ako sa altar para pakasalan, iniiwan ko na lang ito sa kagustuhan ng Diyos.

Isa rin ang malaking pananalig sa Diyos para hindi ka makaramdam ng pangungulila dahil wala kang love life.

Bukas naman ang puso ko sa kung sino ang darating, pero hindi ko ito priority lalo’t marami akong ginagawa sa acting career, business at sa anak ko na si Mandy.