Abante Tonite Interactive

Hindi kinaya sa suntukan kaaway binaril na lang

756

Matapos matalo sa suntukan, niresbakan na lang at binaril ng isang lalaking kapitbahay ang kanyang kaaway kahapon ng madaling-araw sa San Juan City.

Nakuha pa sanang madala sa San Juan City Medical Center subalit idineklara nang dead-on-arrival ang biktimang si Fernando Magturo, 33, airport maintenance, taga-Barangay West Crame ng nabatid na lungsod dahil sa tinamong isang bala sa dibdib.

Patuloy namang pinaghaha­nap ang suspek na si Jhomel De Castro, 28, walang trabaho, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ng San Juan City Police Station, naganap ang insidente alas-12:40 ng madaling-araw sa Road 7 kanto ng Road 4 Brgy. West Crame ng lungsod na ito.

Napag-alaman na nagtalo sa hindi pa mabatid na dahilan ang suspek at biktima na humantong sa suntukan. Naawat naman ito ng ibang kalalakihan.

Umuwi ang suspek sa kanilang bahay subalit makalipas ang ilang minuto ay bumalik na lingid sa kaalaman ng biktima ay armado na ng baril at paglapit nito sa huli ay agad binaril ng malapitan sa dibdib bago mabilis na tumakas. ­(Edwin Balasa)