Abante Tonite Interactive

Hindi lang sana si Demafelis ang matulungan

By
1,399

Hindi pa man ganap na nakakamit ng domestic helper na si Joanna Demafelis ay maikokonsidera na nating abot-tanaw na ang inaasam na hustisya sa kanyang malagim na kamatayan.

Ito ay matapos na magkasunod na masukol ng mga awtoridad ang kanyang mag-asawang employer na sinasabing utak ng karumal-dumal na pagpatay sa ating kababa­yang DH sa Kuwait.

Unang naaresto ang lalaki nitong employer na si Nader Essam Assaf sa Lebanon.

Matapos ikanta ang pagmamalupit ng misis kay Joanna ay nahuli na rin kalaunan si Mona Hassoun sa Syria.
Ang matagumpay na pagkakahuli sa dalawa ay bunsod ng pag-aksyon ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Interpol at bansang Kuwait.

Napakapositibo ng mga pangyayaring ito para sa pamilya Demafelis na nagha­hangad ng hustisya para sa kanilang nawalang kaanak.

Hangad natin ang tuluyang pagpataw ng karampatang parusa ng gobyerno ng Kuwait sa mag-asawang walang awang nagkutsabahan sa pagkamatay ng ating kababayang OFW.

Maliban kay Demafelis ay marami pa tayong mga kababayan na nakaranas ng pagmamalupit ng kanilang mga employer sa  ibang bansa.

Kaya sana katulad ng hustisyang unti-unting nakakamit ng pamilya ni Joanna ay gayundin ang sapitin ng ilan na­ting kababayang dumanas ng pagmamalupit sa kanilang mga amo sa ibang bansa, buhay man o patay ang mga ito.

Sana ay katulad na pagtutok at pag-aksyon din sana ang kanilang makamit sa ating pamahalaan.

Maging daan din sana ang pangyayaring ito upang sibakin ng pamahalaan ang mga kinatawan ng ating gobyerno sa iba’t ibang bansa na hindi tumutupad sa kanilang tungkulin na katawanin ang ating mga kababayang nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa.

Hanggang ngayon kasi ay laganap pa ang mga embassy official at employee­s na walang pakialam sa kapaka­nan at karapatan ng ating mga kababayan sa abroad.

Na sa halip na tulungan ang mga dumadaing nating mga kababayan ay sila pa itong nagpapahirap.

Pero alam nating hindi makakalusot ang ganitong uri ng mga opisyal at tauhan ng gobyerno kay Pangulong Rodrigo Duterte kaya huwag sanang mag-atubili ang ating mga kababayang isumbong ang mga inutil na tauhan at opisyal ng ating pamahalaan sa iba’t ibang bansa dahil tiyak may kalalagyan ang mga ito.