Abante Tonite Interactive

Hindi naging ‘advance’ mag-isip ang DOH

708

Habang tumitindi ang laban sa coronavirus disease 2019 o COVID-19, parang mga sundalong nauubusan na ng bala ang mga magigiting nating frontliner na mga health worker.

Sa mahigit pa lang na isang buwan mula nang magkasunod-sunod ang positibong mga kaso ng COVID-19, aba’y ilang doktor na ang nalagas sa hanay ng mga health worker. Kumbaga sa armadong digmaan, mga opisyal na “sundalo” ang mga doktor na ito na nagbuwis ng kanilang buhay matapos na mahawahan din ng virus.

Ang masaklap nito, dumadami rin ang mga nurse na mistulang “nasusugatan” sa digmaan kontra sa COVID-19 at kailangang mag-self quarantine dahil nalalantad sila sa mga infected. Ang dahilan nito, kulang na o nauubos na ang kanilang mga PPE o personal protective equipment tulad ng N95 face mask, goggles, gloves at hazmat-like suit.

Ang tanong ng marami nating kurimaw, bakit hindi ito napaghandaan ng Department of Health (DOH)? Kung tutuusin, habang dumadami na ang kaso ng COVID-19 (na nCoV pa dati ang tawag), nananatiling ligtas pa ang Pilipinas sa virus habang inaanunsyo ang unang kaso sa huling bahagi ng Enero.

Pero bago nito, naisulat natin ang pangamba natin na posibleng maganap ang paglaganap ng virus sa mundo (maging sa Pilipinas) pagkatapos ng selebrasyon ng Chinese New Year noong Enero 25. Sa tradisyon kasi ng mga Tsino, nag-uuwian sila sa China mula sa iba’t ibang panig ng mundo. At nang mga panahong iyon, mataas na ang kaso ng virus sa China, partikular sa Hubei (kasama ang Wuhan).

At pagsapit ng Pebrero, nagsimula nang dumami ang kaso ng virus sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang sa Pilipinas. Habang isinulat natin ito, mahigit 2,000 na ang positive, mahigit 80 ang nasawi, at matindi, libo pa ang hinihintay ang resulta ng COVID test, at padami ng padami ang “under monitoring.” At asahang tataas dahil marami ang binuksang pasilidad.

Kaya naman bukod sa panawagan ng mga bayaning health worker na suplayan sila ng PPE, may panawagan din na dagdagan at bilisan ang pagbili ng mga test kit na mabilis na malalaman ang resulta. Bakit nga ba kailangan ang maraming test kit? May mga COVID-19 patient kasi na namamatay na bago malaman na may virus sila. Kaya ngayon pa lang, dapat nang ma-test under monitoring nang maihiwalay na sila kung positive.

Ang problema, maging accurate kaya ang resulta at hindi sablay?

Sa ngayon, ang mga nakararamdam ng bahagyang sintomas ng sakit eh pinapauwi lang at pinagho-home quarantine pero hindi isinasailalim sa COVID test dahil nga tinitipid. Kaya kung positive sila, good luck. Mabuti kung malaki ang bahay nila at may kuwarto siyang paglalagyan.Pero kung wala at makahawa siya ng taga-labas, naku po! Kawawa ang mga peligroso sa virus tulad ng mga nakatatanda, buntis, bata, at mga dati nang maysakit sa puso, kidney, diabetic at hika.

Sa ngayon, ibinabalita ng DOH na paparating na raw ang binili nila at mga donasyon na mga PPE at test kit. Aba’y naunahan pa sila ng mga nasa pribadong sektor na kaniya-kaniyang diskarte para makakuha ng PPE na ipinamimigay na sa mga health worker.

Paalala lang natin ang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang pagdinig ng Senado noong unang linggo pa lang ng Pebrero, at nCoV pa ang tawag sa virus. Aniya, handa raw ang gobyerno na harapin ang pagsubok dahil hindi ito ang unang pagkataon na nagkaroon ng ganitong problema na katulad sa coronavirus na nangyari noong 2002, 2003, 2014 at 2015.

Ang tanong ngayon ng marami, anyare sir at parang nagkukumahog tayo ngayon? Hindi po ba naging advance ang ating pag-iisip? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Tonite – Wendys Inhouse Ad