Abante Tonite Interactive

Hindi nagpasilaw

By
263

Palakpakan po muna!

Sa mga naganap kasi na serye ng mga pagsala­kay ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) nitong huling tatlong linggo, nagkataon na puro big time ang nalambat ng NCRPO.

Nauna na rito ang pagsakote sa Times Bar sa Makati. Ang sabi, mga burgis o pangma­yayaman lang ang sikat na bar dahil pulos may sinasabi raw sa lipunan ang mga customer nito.

Pero nabuking ng mga tauhan ni NCRPO director Guillermo E­leazar na isang high-end drug den pala ito kaya hayun huli silang lahat – ang mga may-ari ng bar, mga tauhan at pati mga sosyaling customer nito.

Isang linggo ang nakalipas at naging sentro na naman ng kontrobersya ang Time Bar. Sapilitan kasing pinasok ng tatlong abogado mula sa isang kila­lang law firm ang bar. Ang problema, ayaw nilang magpakilala at tumanggi rin silang tukuyin kung sino ang mga kliyente nila sa bar, may angas po ang dating nila dahil sabi nila eh mga abogado sila. Ang ending? Sila ang ipinahuli ng ating Mamang Pulis.
Ilang araw lang ang dumaan, sinalakay naman ng Team NCRPO ang bahay ni Arnold Padilla sa marangyang subdivision ng Magallanes Village sa Makati sa bisa ng isang search warrant.

Ito palang si Arnold Padilla ang primary suspect sa pagpatay sa sarili niyang kapatid dahil sa away sa mana. May nagpadala raw sa kapatid nito ng regalong package na ang laman ay granada na naka-trigger na kaya sumabog ang pakete pagbukas nito. Doon namatay ang kanyang kapatid.

Inaresto si Padilla matapos makumpiska sa kanya ang dalawang granada at ilang baril na revoked na ang mga permit.

Tumaas daw ang blood pressure nito kaya nakiusap sa mga pulis na dalhin siya sa St. Luke’s Hospital.

Pero hindi po pumayag si Gen. Eleazar kasi may mga doktor naman sa kampo ng NCRPO. Kalaunan, dinala na rin siya sa ospital sa payo ng mga doktor sa kampo.

Maraming natuwa na netizen sa pagkahuli kay Padilla. Viral ito at halos lahat ng komento ay pabor na pabor sa pagkakahuli rito.

Katatapos lng ng drama sa Magallanes, takbo naman si Gen. Elea­zar sa Binondo kung saan nahuli ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang Taiwanese na big time drug dealer.

Sa estimate ng pulis­ya, nasa P40 milyon ang halaga ng nasabat na droga. Nakuha rin sa kanya ang ilang baril at ilang daang bala.

Kahanga-hanga rin naman ang mga operatiba ng MPD na pinamumunuan ni Chief Superintendent Rolando Anduyan.

Malaking isda po ang nasilo nila pero hindi sila nagpasilaw sa suhol ng bugok na Intsik.

Kudos po sa ating kapulisan. Good job mga sir. Sana ay magpatuloy po ang inyong magandang paglilingkod sa bayan.

Congrats po sa inyo Gen. Eleazar dahil nagbubunga po ng maganda ang inyong liderato. Sabi nga, kung ano ang puno ay ganu’n ang bunga.

‘Pag magaling at epek­tibo ang isang li­der, ganu’n din siyempre ang mga tagasunod.