Abante Tonite Interactive

Hindi nakukuha sa pabida

By
312

Abot hanggang tenga­ ang ngiti ng bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Chief Camilio Cascolan sa unang sigwada ng kanyang surprise inspection sa mga police station sa Metro Manila.

Wala kasing naabutang natutulog na pulis si Ge­neral sa lahat ng istasyon na kanyang dinapuan kahit ginawa niya ito sa mga oras na kay-sarap talagang ipikit ang mga oras habang tahimik ang buong paligid.

Kahit ang mga nakaposte sa mga checkpoint ay nakaalerto at gising na gising sa pagbabantay sa mga criminal element na magtatangkang maghasik ng karahasan sa paligid.

Ang tanong ng ilan, natunugan lang ba ng mga pulis na mag-iikot ang bago nilang hepe kaya’t pinaghandaan nila ito at naging alerto sa buong magdamag?

Mahirap daw kasing makatikim ng buwena-manong galit ni Sir at tiyak na sa kangkungan sila pupulutin o tapos ang kanilang career sa kapulisan.

Pero in fairness po sa ating mga alagad ng batas, mas marami na po ang matitino. Marahil ay mabibilang na lang sa daliri ang mga abusado at makakapal ang mukha na patuloy pa ring umaabuso sa kanilang uniporme.

Ang mga ganitong klase ang dapat na kinakalos ng bagong hepe ng NCRPO. May mga latak pa rin na dapat kinakayod at itinatapon para hindi pamarisan ng iba.

Related Posts

Ayon kay Cascolan, magiging regular ang kanyang sorpresang pag-iikot at inspeksyon sa mga presinto sa Metro Manila.
Dahil sa positibong resulta ng kanyang sorpresang inspeksyon, sinabi ni Cascolan na pinag-uusapan na nila ng mga unit leader, hepe, at command group ang deployment ng mga pulis para maayos, laging alerto at hindi agad makaranas ng pagod o over fatigue ang mga pulis.

Okay naman daw kay Cascolan na matulog sa presinto ang mga pulis. Pero magagawa lang nila ito kung off duty na sila.
Naiintindihan naman daw niya na marami sa mga pulis ang malayo ang inuuwian o ‘yung iba ay walang inuuwian kaya puwede naman silang matulog sa barracks ng police station.

Heto pa, para naman maging maayos ang pagpapahinga ng mga pulis pagkatapos ng kanilang duty, patitingnan daw niya ang mga amenity sa bawat istasyon.

In short, ang gusto ni Sir ay maging kompor­table ang kalagayan ng kanyang mga tauhan bilang konsuwelo na rin sa kanilang dedikasyon sa serbisyo.

‘Pag ganito naman ang ibibigay na sukli sa tapat na paglilingkod sa publiko, tiyak na gaganahan ang ating mga pulis na gampanan ang kanilang tungkulin na tiyakin ang katahimikan at kaayusan ng ating paligid at lalong-lalo na ang kaligtasan natin.

Kaya ‘yung mga abusado at kotongero diyan, maglubay na kayo sa masama ninyong gawain.

Mahiya naman kayo dahil hindi lang dagdag kundi dinoble pa ang mga sahod ninyo para lang tiyakin na serbisyong totoo ang ibibigay ninyo sa ­aming mamamayan.

Sana Sir, hindi lang pampapogi ang ginagawa ninyo ngayon. Sana lang ay hindi ito pang-impress kay Pangulong Duterte at PNP Chief Albayalde ano po? Kasi kilala naman natin si President Digong, masarap na Boss ‘yan, masarap pang kakampi pero kwidaw, ‘pag nahuli niyang malagihay ang trabaho mo eh tapos ka na. Good bye na at malamang ay may malulutong pang mura ang magiging pabaon niya habang nililisan ang de-airconditioned mong opisina.