Abante Tonite Interactive

Hindi nang-iiwan sa ere

By
204

Hindi kunsintidor ‘pag may nagawang mali pero mas lalong hindi nang-iiwan ng kanyang mga tauhan si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo E­leazar ‘pag alam niyang nasa tama at katuwiran ang mga ito.

Kaya nga hindi man lang siya nagbantulot na kampihan ang mga miyembro ng Makati City Police na naka-engkuwentro ang mga nagpakilalang abogado sa Times Bar kamakailan.

Para sa ating mamang pulis, dapat ay alam ng mga abogadong ito ang boundary ng kanilang propesyon sa kagandahang-asal.

Kailangan bang puwersahan nilang pasukin ang Times Bar at pilit pinakikialaman ang pagpapatupad ng search warrant ng husgado?
Maliwanag na wala sa lugar ang mga abogadong ito kaya nga inaresto sila ng mga pulis eh. Sabi nga po, trabaho lang, walang personalan.

Gawin niyo ang trabaho ninyo at ganun din naman kami, ika nga ni Ge­neral Eleazar.

Aba eh kahit saang anggulo, tama lang na arestuhin ang mga ito dahil una, tumanggi silang ibigay ang mga pangalan nila, basta mga lawyer daw sila. Pwede po ba ‘yun?

Ikalawa, wala silang naipakitang ID o katunayan man lang na totoong mga abogado sila.

Heto pa, ni hindi nila alam o masabi man lang kung sino ba ang kinakatawan nila at bakit nandoon sila sa crime site ng wala man lang paalam sa mga pulis.

Parang bahay lang po ‘yan, magpasintabi naman kayo kung papasok kayo o kakatok man lang.

Kaya nga, kahit saan po tingnan, walang karapatan ang mga abogadong ito na pumasok sa premises dahil hindi nila naipakilala ng maayos ang kanilang personalidad at kung sino ang kanilang mga kliyente.

Mga kaibigan, ang search warrant ay direktiba at order po ng korte na dapat gampanan ng mga pulis.

Samakatuwid, ang pagha-harass ng mga lawyer na ito sa mga pulis na huwag umakyat sa 3rd floor ay violation ng search warrant at pambabastos sa order ng husgado na buksan ang mga vault ng Times Bar.

Ang bilin ni Gen. Eleazar sa mga pulis ay gawin ang kanilang trabaho alinsunod sa mga proper police procedure.

Hindi lang naman po isa o dalawang beses na napatunayan ni General Eleazar na paparusahan niya mga pulis na abusado at tiwali.

Pero sa ganitong pangyayari, ang mga abogado ang abusado at tiwali. Kaya nga po kahanga-hanga na pinanindigan ng mamang pulis ang mga tauhan niya.

Ganito po ang tunay na lider. Ipaglalaban ang kanyang mga tauhan pag alam niyang nasa matuwid na daan.