Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hindi natunawan

0 191

Nasa kultura na nating mga Pilipino ang mahilig sa pagkain. Mahilig magluto, mahilig maghanda para sa pamilya, kamag-anak, at kaibigan. Lalo nang mahilig kumain. Kaya nga isa sa mga nangungunang negosyo ay may kinalaman sa pagkain. Bago nag-lockdown ng dahil sa Covid19 ay nagkalat ang mag buffets at eat all you can restaurants. Sa murang halaga ay talaga namang punong puno ang tyan sa kabusugan, lalong lalo na kung talagang sinusulit ang mga ito. Natigil nung nagkapandemya, ngunit paunti unting naibabalik na ngayon ang mga ito. Dahil dito, madalas nanaman tayong nakakita ng mga nagrereklamo ng pananakit sa tyan at mistulang hindi natunawan.

Dyspepsia ang tawag dito. Kadalasan nakakaramdam ng pananakit o hindi komportableng pakiramdam mula sa sikmura hanggang sa pusod pagkakain. Maaaring may kasamang pakiramdam ng pagkabusog, kinakabag o puro hangin ang tyan, nahihilo at maaaring may pagsusuka. Pwedeng panandalian lang ang mga sintomas, ngunit maaaring tumagal ng ilang araw o linggo ang mga ito. Pwedeng paulit ulit, maging chronic at taon ang itatagal nito.

Sa panahon na nakakaramdam tayo ng ganitong sintomas, kung malala at hindi nawawala na kakailanganing dalhin sa pinakamalapit na ospital, kahit na ang dahilan ay sa sikmura, kakailanganin pa din makasiguro na hindi sa puso ang dahilan kaya’t baka magpagawa pa ng ECG o electrocardiogram ang doktor. Kung malinaw na hindi puso ang apektado, sya pa lang ang pagbigay ng mag gamot para sa sikmura. Ngunit bago pa umabot sa ganitong kalagayan, ito ang mga maaaring gawin upang maiwasan ang maimpatso. 1) nguyain ang pagkain ng wasto at huwag buksan ang bibig habang ngumunguya, 2) huwag magsalita habang ngumunguya, 3) huwag kumain ng mabilis, 4) mas uminom ng tubig pagkakain, 5) iwasan kumain sa disoras ng gabi, 6) mag relaks pagkakain at huwag matulog agad, 7) iwasan ang mga sobrang maaanghang na pagkain, 8) iwasan din ang mga acidic na pagkain, gaya ng mga citrus fruits, 9) iwasan din ang mga piniritong pagkain at mga processed food 10) huwag manigarilyo, 11) iwasan ang mga nakakalasing na inumin, pati na din ang soft drinks at kape. Mas mainam na mag tsaa na lang gaya ng chamomile at peppermint tea. 12) Maganda ang gatas sa sinisikmura, ngunit alalahanin natin na iba iba ang mga gatas. Mayroong full cream, low o non-fat, at skimmed milk. Ang tabang laman nito ay maaaring makalala ng karamdaman kaya piliin ng mabuti ang iinumin.

Ang mga sumusunod ang mas makakabuti sa naiimpatso. Ang oatmeal at brown rice, mga carrots at kamote, gulay gaya ng asparagus, broccoli at sitaw. Mga alkaline na pagkain gaya ng saging , melon, cauliflower at mani, pati na ang kinchay, pipino, letsugas at pakwan ay mainam din.

Tayong lahat ay nag- eenjoy kumain. Itoy tumutulong sa ating katawan upang magkaroon ito ng sustansya at lakas. Huwag natin itong gawing dahilan na makakasama pa sa atin.

Hanggang sa susunod! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.