Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hindi tayo iiwan ng Diyos sa gitna ng kawalan ng pag-asa at kagipitan!

0 534

Ipinagdiriwang ng Simbahan ngayong araw ang Pista ni Santa Maria Magdalena. Ang tiyak na nalalaman natin tungkol sa kontrobersiyal na santa ay matatagpuan sa Bagong Tipan (Lc 8:2 at Jn 19:25)

Ang kuwento tungkol sa kanyang pagpunta sa Marseilles, pagkakaroon ng mga anak kay Hesus at pagkamatay sa Efeso ay pawang mga alamat lamang at kathang-isip ng mga kalaban ng Simbahan.

Hindi malinaw kung si Maria Magdalena nga ang masamang babae sa Ebanghelyo ni San Lucas, ang lumapit umano sa Panginoon, naghugas ng paa nito ng sariling luha at pinunasan ng kanyang buhok.

Si Pope St. Gregory the Great noong Siglo VI ang nagsabi na si Maria Magdena ang kilalang babae sa eksena at kapatid rin ni Marta at Lazaro. Siya ang babaeng pinalaya ni Kristo sa pitong demonyo, aniya.

Imbes na malutas ang problema, lalong lumabo ang pagkakakilala ng mga mananampalataya kay Magdalena sa ginawa ng Papa. Sa loob ng labinlimang Siglo marami ang naniwala na isang makasalanang babae si Maria.

Sa kasalukuyan, itinuturo ng Simbahan na isa si Maria Magdalena sa grupo ng mga babaeng tagasunod ni Hesus at nangasiwa sa mga pangangailangan ng mga apostol. Sinamahan niya si Kristo hangang sa Kalbaryo.

Sa kasayasayan, si Sta. Maria Magdalena ang naging ikalawang nakakita sa Panginoong muling nabuhay, matapos ang Mahal na Birhen. Ang debosyon sa kanya bilang tapat na tagasunod ni Kristo ay mabilis na lumaganap.

Binibigyang diin ng Simbahan, ngayong panahon ang pagiging huwaran ni Santa Maria Magdalena bilang kumakatawan sa ating hangaring makita ang Panginoon. Walang duda, minahal niya si Hesus nang lubusan, ngunit hindi dapat ito isipin ng may malisya!

Nawa katulad ni Santa Maria Magdalena, huwang tayong manghinawa sa paghahanap sa Panginoon sa bawat yugto ng buhay, lalo na sa gitna ng kawalan ng pag-asa at kagipitan. Kasama natin ang Poon sa lahat ng oras kahit ‘di natin batid. Nasa tabi lang palagi natin Siya!

Leave A Reply

Your email address will not be published.