Abante Tonite Interactive

Hindi tayo papayag na walang Jose Mari Chan ngayong Pasko

By
199

‘Ber months’ na – hudyat na simula na ang diwa ng Pasko sa bansa – pero nasapawan ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin ang pagsalubong sa atin ng Christmas songs ni Jose Mari Chan.

Parang biglang nawalan ng meaning ang ‘Christmas In Our Hearts’ nang iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo sa 6.4% ang inflation rate noong August.

Ayon pa sa PSA, sa Metro Manila ay P45 per kilo na ang presyo ng ordinaryong bigas ngayong taon mula P37 lang noong nakaraang taon. Tumaas din pati ang ibang bilihin tulad ng asukal (P60 per kilo mula P48); galunggong (P160 per kilo mula P140); sibuyas (P100 per kilo mula sa P70); at repolyo (P155 per kilo mula P80).

Sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank, sa bawat 10% na pagtaas sa presyo ng pagkain ay nadaragdagan ng 2.3 milyon ang bilang ng mahihirap. Mahigit 20% ang pagtaas (base na rin sa data ng PSA). Ibig sabihin, halos limang milyon ang na­dagdag sa mahihirap dahil sa inflation.

Nang isabatas ang Tax Reform for Acce­leration and Inclusion (TRAIN) Law noong Disyembre 2017, ang sabi ng gobyerno ay pamasko ito sa mga Pilipino. Pero noong Enero 2018, binomba agad ng excise tax ang LPG (P1.00 per kilogram), kerosene (P3.00 per li­ter), diesel (P2.50 per liter), at gasoline (P7.00 per liter).

TRAIN Law ang puno’t dulo ng ating pasang krus sa kasalukuyan. Aminado maging si Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor Espenilla Jr. “Bukod sa cost-push factors, ang paglobo ng presyo ng mga bilihin ay dulot ng mataas ng pres­yo ng mga produktong petrolyo,” aniya.

Imbes na umaksiyon agad (tulad ng ginawa noon ni House Spea­ker Gloria Macapagal-Arroyo nang nakaupo siya bilang Pangulo), sinasabihan pa ng ilang econo­mic ma­nager na ‘cry baby’ o ngumangawa lang ang mga tao. Mahiya naman sana sila, maawa naman sana sila. Damang-dama ang epekto ng inflation, tagos hanggang bituka.

Lingid sa kaalaman ng marami, magkakaroon na naman ng panibagong excise tax sa mga produktong petrolyo sa Enero 2019. Ilan dito ang LPG (P2 per ki­logram), kerosene (P4 per liter), diesel (P4.50 per liter), at gasoline (P9 per liter).

Hindi na kakayanin ito ng taumbayan. Either magutom sila nang tuluyan o magrebolus­yon na sila na parehong ayaw nating mangyari.

Bilang isang mam­babatas, kailangang tulu­ngan na natin ang admi­nistrasyon sa pagbibigay ng solusyon sa problema.

Inihain natin kamakailan sa Lower House ang ‘Bawas Presyo Bill’ na naglalayong i-rollback at gawing zero ang excise tax sa kerosene at diesel sa 2019 at 2020.

Nang binubuo pa lang ang TRAIN Law, mariin nating tinutulan at sinabing kontra-mahirap ang pagpapataw ng excise tax sa kerosene (gaas) at diesel (krudo). Batid natin noon pa na marami sa ating mga kababayan ang nakadepende pa rin sa gaas at krudo sa pang-araw-araw nilang buhay at trabaho – tulad ng mga magsasaka, mangingisda, tsuper ng dyip at PUV, nagtitinda ng pagkain sa karinderya at bangketa, at iba pa. Sa mga liblib na lugar sa probinsiya at urban poor community, gaas ang gamit ng mahihirap na pamilya sa kanilang kalan at ilaw.

May importanteng probisyon sa ating panu­kala kung saan itinatakda ang awtomatikong pagsuspende sa excise tax sa fuel kapag lumampas ang inflation rate sa quarterly target ng gobyerno. Ang umiiral na excise tax noong bago gawin ang TRAIN Law ang magiging basehan sa panahon ng suspensiyon.

Pasko na sa Pilipinas, mga kapatid, at isang totoong regalo ang matatanggap ng mga Pilipino kung ipapasa agad ng Kongreso ang ating ‘Bawas Presyo Bill.’

Saka ‘di ba’t ang diwa ng Pasko ay pagbibiga­yan? Pero bakit ang gusto ng gobyerno ay puro kabig lang?