Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hinog na hinog sa karanasan si Nanay Bing

0 73

Labu-labo sa 2022 eleksiyon ang mga kasalukuyan, dati at bagong politiko sa lalawigan ng Zambales.

Sa mga kasalukuyang politiko ay kasama rito si Botolan, Mayor Bing Maniquiz, Vice Mayor Doris Daria Ladines, Congresswoman Cheryl Montalla , Governor Hermogenes Ebdane at marami pang iba.

Wala tayong itulak kabigin sa mga politikong ito dahil nakitaan sila ng pagtupad sa tungkulin sa kabila ng pandemya.

Lalo na si Botolan Mayor o mas kilala bilang Nanay Bing na talaga naman napakaraming magagandang proyekto at programang ginawa para kapakinabangan ng mga mamamayan ng Botolan.

Kabilang dito ang Kainomayan Hospital na sa napakahabang panahon ay ipinagkait sa mga Botoleno ng mga naunang politiko pero sa pagpupursige ni Mayor Bing ay nagkaroon ng sariling ospital ang Botolan kaya hindi na kailangan pang dumayo sa malalayong bayan o lungsod para magpagamot.

Nakita rin ang napakalaking tulong ng ospital na ito ngayong pandemya dahil naging madali para isakatuparan ang pagsuri ng mga COVID patient at maagapan ang pagkalat.

Bumongga rin sa larangan ng turismo ang Botolan dahil sa magagandang proyekto ni Mayor Bing na naghatid sa mga Botoleno ng dagdag na kita.

Malamang kung walang pandemya ay mas higit pang pag-unlad ang nangyari sa Botolan sa ilalim ng pamumuno nina Mayor Bing at Vice Dara.

Naging maayos din ang peace and order sa bayan ng Botolan dahil sa masusing koordinasyon ng pamahalaaang bayan at ng Philippine National Police (PNP).
Kung may mga nangyayari mang krimen ay agad na nareresolba dahil sa maayos na pagtutulungan ng dalawang ahensya ng gobyerno.
Kung puwede nga lang daw manatili pa si Mayor Bing bilang ina ng Botolan ayon sa kanyang mga constituent ay mas gusto nila dahil sa laki ng pagbabagong kanyang nagawa sa Botolan.
Pero may term limit ang mga naglilingkod kaya sa susunod na eleksiyon naniniwala akong swak na swak pa rin si Mayor Bing na maging kongresista na bet ng kanyang mga tagasuporta na kanya namang tahakin.

Nakatitiyak akong mamaniin niya ang pagtupad sa tungkulin bilang mambabatas dahil sa sapat na karanasan niya bilang isang local government unit head.

Tamang-tama ang naging simula ni Mayor Bing sa politika para mas makatulong sa mga taga-Zambales sa pamamagitan ng pag-akda ng mga resolusyon at panukalang maghahatid ng ibayong tulong sa kapakinabangan ng mga taga-Zambales.

Sa pagkakataong ito nga lamang ay mas malawak na ang kanyang matutulungan dahil mas maraming bayan na sakop ng second district ang makikinabang sa mga inisyatibong isusulong ni Mayor.

Hindi na lugi ang mga taga-Zambales kay Mayor Maniquiz dahil sa ipinakita nitong sigasig sa pagliingkod ay nakatitiyak tayong mas malaki ang maitutulong niya para lalo pang umunlad ang bayan ng Botolan at iba pang sakop ng ikalawang distrito ng Zambales.

Sa panig naman ni Vice Dara, naniniwala akong kailangan pa siya ng bayan ng Botolan para maging katuwang ni Omar Ebdane at maipagpatuloy ang kanilang nasimulan ni Mayor Bing.

Kumbaga ay aasahan pa rin ang maunlad na Botolan lalo na kung sina Vice Dara at Mayor Omar ang magpapatuloy pero nakatitiyak akong nariyan pa rin ang paggabay ni Mayor Bing kahit nasa Kongreso na ito dahil sa kanyang pagmamahal sa bayan ng Botolan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.