Abante Tonite Interactive

Hinoldap ng riding-in-tandem: Manager todas, GF kritikal

666

Nagwakas sa trahedya ang dinner date ng isang marketing manager at ng kanyang girlfriend makaraang pagbabarilin sila ng mga holdaper na riding-in-tandem sa harapan ng isang Vietnamese restaurant sa Quezon City, Sabado ng gabi.

Ayon kay PCpl. Alexiss Mace Jurado ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawing biktima na si Marcus Christian Ong, 36, binata, marketing manager ng Raimol Motor Oil and Lubricants at residente ng Marikina City.

Nasa kritikal na kondisyon naman sa Capitol Medical Center ang girlfriend niyang si Kristy Claire Cardenas, 23, dalaga, ng Quezon City.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, nangyari ang krimen dakong alas-9:40 ng gabi sa harapan ng Tra Vinhi Express na matatagpuan sa Scout Reyes kanto ng Panay Avenue, Brgy. Paligsahan.

Katatapos lamang umanong kumain ng magkasintahan sa naturang restaurant at habang naglalakad patungo sa parking area para sumakay sa kanilang nakaparadang kotse nang sumulpot ang apat na lalaking suspek na riding-in-tandem at nagpahayag ng holdap.

Hinablot umano ng isang suspek ang shoulder bag ni Cardenas pero nanlaban ang boyfriend niyang si Ong kaya pinagbabaril ang mga biktima ng mga holdaper saka tumakas.

Namatay noon din ang biktimang si Ong habang nasa kritikal na kalagayan naman sa ospital si Cardenas na nagtamo ng limang tama ng bala sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril. (Dolly Cabreza)