Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hirap matulog

0 198

Antok na antok na ngunit hindi pa din makuhang makatulog. Isa ito sa nirereklamo ng karamihan. Kadalasan kukunsulta at agad agad na hihingi ng gamot pampatulog.

Kahit mayroon nito, kung hindi malalaman ang sanhi ng hirap sa pagtulog ay paulit ulit lamang ang mangyayari. Insomnia ang tawag sa karamdaman na ito. Maraming sanhi ang magdudulot sa hirap makatulog at ang karaniwang dahilan ay ang pagaalala. Pagaalala sa trabaho, sa eskwelahan, sa kalusugan, sa pera ay magdudulot ng aktibong utak. Ang stressful na pamumuhay, pati na ang aksidente o mga pagkakataong hindi inaasahan ay makakadagdag sa kundisyon.

Insomnia ang tawag pag hirap makatulog, hirap sa pagtulog, o hindi magandang kalidad ng tulog. Dahil dito, naaapektuhan ang kilos at galaw sa umaga at regular na gawaing pang-arawan. May tatlong klase ito. Ang acute o biglaan, transient o panandalian lamang, at ang chronic o paulit-ulit at tuloy tuloy hanggang sa tumagal. Anumang uri, kailangang matugunan at maayos ang tulog para sa ikabubuti ng pangkabuuang kalusugan.

Ilan sa mga maibibigay nating payo ay ang mga sumusunod: iwasan ang paninigarilyo, kape at alak bago matulog. Mas kaunti ang kainin sa gabi at siguraduhing ang kain ay hindi bababa sa mga dalawang oras bago matulog. Mainam magehersisiyo, pero gawin ito ng mas maaga. Maligo ng mainit init na tubig pag uwi. Hindi lang para makapagdisinfect kung hindi ay para makatulong ito sa pagrelax ng buong katawan. Iwasan ang makakagambala sa inyo tulad ng tv, radyo, cellphone, tablet, at computer, pati ang maliliwanag na ilaw, kahit mga dalawang oras bago matulog. Kung may oras na planong matulog, mahiga ng kahit 30 minuto bago ito para makarelaks na ang katawan at utak para mas madali at maayos ang pagtulog.

SM SuperKidsDay Banner Ad

May mga pagkain din na maaaring kainin upang makatulong sa pagtulog. Unang una na ang manok. Mayroong tryptophan na isang amino acid na nagpapataas ng serotonin na syang pamparelaks at tutulong makagawa ang katawan ng melatonin na syang magpapatulog. Ang mga whole grains ay mataas din sa tryptophan at magnesium. Pati na ang mga nuts gaya ng flax seeds, butong pakwan at kalabasa. Kasama na din ang itlog at kanin. Ang isda na salmon at tuna ay mayroong vitamin B6 na syang gumagawa ng melatonin. Ang gatas, keso, dairy products at yogurt na mataas sa sa calcium na nakakatulong sa proseso ng pagtulog. Ang mga berdeng gulay gaya ng talbos ng kamote, malunggay at kangkong ay mataas din sa calcium. Ang saging at celery o kintsay ay mataas ang potassium na syang magpapatuloy ng magandang tulog. Ang honey naman ay nakakatulong din kumontra sa pagkaalerto.

Sa dinamidami ng iniintindi natin sa pang araw araw, kailangan natin makapagpahinga ng mabuti sa pamamagitan ng pagtulog ng maayos. Siguruhin nating kahit paano, tayo ay nakakatulog ng maayos.

Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.