Abante Tonite Interactive

Hirit na piyansa ni Ampatuan binasura ng SC

0 217

Dahil sa kawalan ng merito ay tuluyan nang ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon ni dating Autonomus Region in Muslim Minda­nao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na pahintulutan itong makapagpiyansa para sa kanyang kinakaharap na mga kasong murder kaugnay ng Maguindanao massacre.

Sa resolusyon ng SC 1st Division na may petsang Hulyo 22, 2019, sinabi na nabigo si Ampa­tuan na patunayang may pagkakamali sa naunang desisyon ng Court of Appeals, kung saan unang ibinasura ang kanyang hiling na makapagpiyansa.

Ang mga inilahad na argumento rin ni Ampa­tuan sa kanyang petisyon kasama na ang pagtanggi na siya ay sangkot sa krimen at ang kanyang mga alibi, ayon sa SC, ay maituturing na mga ‘factual issue’ na pinakamainam na matalakay sa isang full blown trial.

Iginiit din ng SC na magiging premature rin umano kung magpapasya ito nang lagpas sa itinatakda ng judicial review dahil maaari umano na mapangunahan nila ang mga partido sa pagpiprisinta ng ebidensya sa paglilitis ng kaso.

Nag-ugat ito nang makipagsabwatan umano si Ampatuan sa pagpatay sa limampu’t walong biktima, kasama ang mahigit tatlumpung mamaha­yag, noong Nobyembre 23, 2009 sa Sitio Masalay, Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan. (Anne Lorraine Gamo)