Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hirit ni Agri chief Dar: P30B budget sa NFA kapalit ng P20 bigas

0 109

Kailangan munang dagdagan ang pondo ng National Food Authority (NFA) at itaas ang produksiyon sa palay para maibaba sa P20 ang kada kilo ng bigas sa bansa.

Ito ang inihayag sa Laging Handa public briefing kahapon ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar bilang reaksiyon sa pahayag ni presumptive president Ferdinand `Bongbong’ Marcos Jr. sa panahon ng kampanya na sisikapin niyang maibaba ang presyo ng bigas hanggang P20 kada kilo.

Sinabi ni Dar na para matupad ito ay kailangang dagdagan ng hanggang P30 bilyon ang pondo ng NFA upang mapaabot ng 30 araw ang buffer stock ng palay.

Sa ngayon aniya nasa P7 bilyon lamang ang ibinibigay na pondo kada taon sa NFA na sapat lang sa pitong araw na buffer stock.

Bukod dito, dapat din aniyang panatilihin ang P19 farm gate price ng palay at maaari ring itaas ito hanggang P20s para hindi naman mapag-iwanan ang mga magsasaka at hindi malugi sa kanilang ani.

Kapag nasunod aniya ito, dapat ang bebentahan lamang ng P20 kada kilo ng bigas ay mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

“That will be a possibility. Bigyan natin ng additional budget ang NFA to the level of P30 billion para maka-sustain sila ng buffer stock ng 30 days. They will maintain `yong farm gate price na P19, puwede naman itaas `yan sa bente. NFA with this buffer stock of 30 days, iyon ang i-roll over at ilalabas na NFA rice at ang bebentahan lang muna ng retailers ay itong beneficiaries ng 4Ps. Ganon po ang ating pananaw,” sabi pa ni Dar. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.