Abante Tonite Interactive

Hirit ni Koko sa kotse, sablay sa polisiya ni Digong

By
2,294

Hindi pagbibigyan ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang hirit ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na ikunsidera ang mungkahing isubasta ang mga puslit na mamahaling sasakyan na nasabat sa (BOC) para magamit ang pondo sa mga biktima ng kalamidad.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malinaw ang mensahe ni Pangulong Duterte na sirain at wasakin ang lahat ng mga puslit na sasakyan at walang aregluhan para matuto ng leksiyon ang mga smuggler.

Kapag isinubasta aniya ang mga puslit na sasakyan ay hindi malayong ang mga smuggler din ang makakabili dahil madaling i-tip ng kanilang contacts sa loob ng BOC.

“Ang mensahe po ng Presidente: “The thing speaks for itself!” Kapag kasi ikaw ay nagpa-auction, diyan pumapasok ang korapsiyon, diyan pumapasok ang areglo! So ang mensahe ni Presidente noong pinasira niya ang mga luxury cars na iyan, tapos na ang ayusan, tapos na ang aregluhan. Kapag ikaw nag-smuggle sisirain ang iyong sasakyan. Ang mensahe, huwag na kayong mag-smuggle ng sasakyan,” ani Roque.

Batay sa mungkahi ni Pimentel, mas mainam na isubasta at ibenta sa mga car collectors sa abroad ang mga nakumpiskang mamahaling sasakyan at gamitin ang mapagbentahan sa mga biktima ng kalamidad sa bansa.

Matatandaang noong Martes ay winasak sa Port Area Manila, Cebu at Davao City ang unang batch ng mga nakumpiskang smuggled na mga sasakyan sa pamamagitan ng bulldozer.