Abante Tonite Interactive

HIV cases kumalat na sa mga probinsya

506

Aileen Taliping

Hindi gaanong napapansin dahil sa mas malalaking isyung pambansa pero nakakaalarma ang ulat na pagtaas ng bilang ng kaso ng may HIV o human immunodeficiency virus sa bansa.

Kung dati ay sa mga pangunahing lungsod lamang may report ng mataas na kaso ng HIV, subalit ngayon ay kalat na ito sa mga probinsya kagaya ng Bulacan.

Sa isang ginanap na summit para sa LGBTQ+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, questioning and other sexual identities), lumitaw na tatlong bayan sa Bulacan ang maraming may naitalang kaso ng HIV, at hindi nagpapahuli sa mataas na kasong naunang naitala sa Metro Manila, Cebu at maging sa iba pang pangunahing lungsod sa bansa.

Kabilang dito ang mga bayan ng Meycauayan, Malolos City at San Jose del Monte.

Hindi na bago ang usapin sa HIV pero sa tinagal-tagal ng panahon ay mas lalong tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng HIV infection.

Bagama’t mayroong programa ang Department of Health (DOH) laban sa HIV, hindi pa rin gaanong makalantad ang mga may sakit nito marahil sa hiya at sinasarili ang kanilang hirap at kalbaryo.

Related Posts

Ayon sa HIV unit ng Bulacan Medical Center, mayroong naitalang 2,270 HIV cases simula noong 1984 hanggang nitong buwan ng Mayo mula sa tatlong nabanggit na mga lungsod. Humahabol din ang mga bayan ng Sta. Maria at Marilao.

May support group ang ilang non-government organizations na tumutulong sa mga nag­lakas-loob na lumantad subalit hindi pa rin sapat ito para maagapan ang pagtaas ng mga kinaka­pitan ng HIV.

May libreng gamot na ibinibigay ang gobyerno sa mga pasyenteng may HIV subalit hindi ito para ganap na gumaling, kundi palakasin ang immune system ng mga ito para hindi agad maigupo ang kanilang resistensiya.

Karaniwang kinaka­pitan ng nabanggit na sakit ay ang mga indibidwal na mahilig sa sex subalit hindi nag-iingat at hindi gumagamit ng proteksiyon kahit na ang pinakasimpleng ‘kapote’ para sa mga lalaki. Hindi naman mahirap bitbitin ang kapote o condom at maaari pa itong isiksik lang sa wallet o pitaka pero nakakalimutan o sadyang tinatamad lang lalo na kapag tinatawag na ng kamunduhan.

Isa pang dahilan ng HIV ay ang pagkakaroon ng multiple sex partners o iba-ibang partner sa pakikipagtalik pati na rin ang pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki at babae sa babae.

Bagama’t mayroong information campaign ang gobyerno para rito, dapat paigtingin pa hanggang sa ganap na maintindihan at maiuukilkil sa isip ng publiko ang peligrong idudulot nito sa isang tao. Hindi ka nga agad-agad mamamatay pero uunti-untiin ng virus ang lakas ng taong kinapitan nito at dadanas pa ng hirap hanggang sa tuluyang mamaalam sa mundo.