Abante Tonite Interactive

Hiwalay na ang de-kolor sa puti

By
1,125

Sa tinatakbo ng mga pangyayari, nakipaghiwalay na si eight division world professional boxing champion Emmanuel Pacquiao sa matagal na niyang promoter na si Robert Arum at trainer Frede­rick Steven Roach ng kapwa Estados Unidos.

Sosolohin na lang ng Pinoy ring legend sa pamamagitan ng MP (Manny Pacquiao) Promotions ang pagbalikat sa laban niya sa Hunyo 24 sa Kuala Lumpur, Malaysia kontra World Boxing Association welterweight champion Lucas Matthysse ng Argentina.

Etsapuwera na ang Top Rank ni Arum. Pati na rin ang Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California ni Roach.

Dahilan nang pagkalas na 39-anyos at tubong-Kibawe, Bukidnon na si Pacquiao, ang kawalang bagong natutunan aniya kay Roach na naging sanhi sa pagkaagaw ng kanyang World Boxing Organization welterweight crown kay Jeff Horn ng Australia noong Hulyo sa Brisbane.

Si Arum naman ay ang pag-insulto sa kanya (Pacquiao) na ilagay ang laban niya sa undercard lang sa title defense ni Horn sa papasok na buwan sa Tate.
Walang gusot ang paglaglag ni Pacquiao kay Roach.

Pero ang kay Arum at Top Rank, baka u­mabot ito sa demandahan o bayaran.

Magkaiba ang bersiyon ng dalawa.

Sabi ni Pacquiao tapos na ang kontrata niya kay Arum at Top Rank, giniit ni Arum na hindi pa.

Bago sa kung saan pa umabot ang lahat, sana maayos ito ng kampo ni Pacquiao o siya na rin mismo para maging mabuti ang paghihiwalay ng mga de-kolor sa puti.

***

Finish line: Maligaya pong kaarawan sa mga kasamahan ko sa Abante/Abante TONITE na mga nagdiwang na at nakatakda pa lang magselebreyt ng kanilang mga bertdey:

Sila po ay sina HRAD Manager, Sir Jerome ‘Bogs’ Motril (Marso 1), layout artist Romeo ‘Romy’ Buen (March 12), collector/messenger Noel Escala (Mar. 20), Online Editor Dindo Matining (Mar. 23), proofreader Edilberto ‘Jun’ Lopez, Jr. (Mar. 28) at Mariel Ricafort (Mar. 29).