Abante Tonite Interactive

HK airport sarado: PAL, CebuPac nagkansela ng mga flight

313

Tatlong flight ng Philippine Airlines (PAL), apat sa Cebu Pacific (CebuPac) ang kinasela kahapon patungong Hongkong dahil sa patuloy na pro-democracy rally na umabot na sa Hong Kong airport terminal.

Base ito sa flight advisory na natanggap ng Media Affairs Division (MAD) ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dakong alas-singko nang hapon.
Sa Clark Airport, hindi na pinayagang maka­biyahe ang CebuPac flight 5J 114 at 115, Manila-HK-Manila at ang flight 5J120 AT 5J121 Clark-HK-Clark.

Nauna rito, sinuspinde kahapon ng Hongkong airport ang lahat ng kanilang mga flight kahapon dahil sa patuloy na umiigting na protesta sa kanilang terminal.

Nabatid na sinuspinde ang papaalis at paparating na mga flight matapos na makapasok sa arrival halls ang libo-libong nagpoprotesta para magsagawa ng demonstrasyon

“Other than the departure flights that have completed the check-in process and the arrival flights that are already heading to Hong Kong, all other flights have been cancelled for the rest of today,” ayon sa airport authority.

“Airport operations at Hong Kong International Airport have been seriously disrupted as a result of the public assembly at the airport today,” nakasaad sa inilabas na pahayag ng airport authority.

Nalaman na nagkabuhol-buhol na ang trapiko sa kalsada papunta sa airport kaya pinayuhan ang publiko na huwag na magpunta sa airport.

Nabatid na itinuturing na ng HK na seryosong political crisis ang patuloy na kilos-protesta sa loob ng dalawang buwan na isang malaking hamon sa Beijing.

Ang protesta ay nagsimula sa kontrobersiyal na extradition bill, pinalawak na panawagan para sa democratic reforms at isang independent inquiry sa inasal ng mga pulis sa demonstrador.

Hiniling din ng mga nagsasagawa ng kilos protesta ang pagbibitiw kay Chinese territory’s leader Carrie Lam at ang pagdaraos ng isang eleksiyon para sa kanyang kapalit. (Otto O­sorio/ Juliet de Loza-Cudia)