Abante Tonite Interactive

Holdaper kinuyog ng mga pasahero

By
0 236

Pinagtulungan ng mga nagmalasakit na pasahero ng jeep na dalhin sa presinto ang isang 25-anyos na tricycle driver matapos itong tumangay ng dalawang mamahaling cellphone sa Imus City, Cavite.

Nakakulong ngayon sa Imus City Custodial Center ang suspek na si Irwin Bruso ng Imus City, dahil sa reklamo nina Mark Anthony Sarte, 26-anyos, binata, call center agent at Louis Christian Escobar, 20-anyos, estudyante, ng parehong lungsod.

Sa ulat ng Imus Police, alas-8:50 kamakalawa ng gabi nang harangin ng suspek ang dalawang biktima habang naglalakad ang mga ito sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Brgy. Tanzang Luma 6. Tinutukan umano ni Bruso ng screwdriver sina Sarte at Escobar at puwersahang kinuha ang cellphone ng mga ito saka sumakay ng pampasaherong jeep.

Gayunman, hinabol ng mga biktima ang suspek at humingi ng tulong sa mga nakasakay na pasahero na sumaklolo kaya naaresto ang suspek.

Sa presinto, narekober sa suspek ang tinangay na mga cellphone.