Abante Tonite Interactive

Holdaper na, rapist pa tumimbuwang sa mga pulis

By
685

Bumulagta ang isang kilabot na holdaper na nambiktima ng isang estudyante at ginahasa pa ang kasama nitong 20-anyos na babae matapos makipagbarilan sa mga pulis na tumutugis sa kanya sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Chief Inspector Raymond Nicolas ng Caloocan Police Community Precinct 3, kinilala ang napatay na suspek na si Jaypee Samson, alyas ‘Jepoy’ na sangkot diumano sa serye ng robbery-holdup sa lungsod.

Bandang alas-10:00 ng gabi nang harangin at holdapin ng suspek ang estudyanteng si Juan Paolo Bonifacio, 19-anyos, at ang kasama nitong babae na isang sales agent habang nag­lalakad sa Phase III, Munting Nayon St., Bagong Silang sa nasabing siyudad.

Tinutukan ng baril ng suspek ang dalawa at pinagkukuha ang mga gamit at pera ng mga ito. Pagkatapos ay kinaladkad diumano ng suspek ang babaeng biktima at dinala sa madilim na bahagi ng eskinita at doon ginahasa.

Tumakas ang suspek matapos ang panggagahasa habang nagtungo naman agad sa himpilan ng pulisya ang dalawang biktima.

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at namataan nila ang suspek bandang alas-11:00 ng gabi.

Pero nang maramdaman ng suspek na may paparating na mga pulis ay bumunot umano ito ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad. Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek.

Narekober ng pulisya ang isang kalibre .38 baril ng suspek at ang mga kinulimbat nito sa dalawang biktima.