Abante Tonite Interactive

Holy Week outing: 7 nalunod sa Calabarzon, isa sa Olongapo

281

Pito katao ang nalunod sa iba’t ibang resort sa Calabarzon region nitong Holy Week.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 4-A, tatlo ang nalunod sa Batangas at tig-iisa sa Cavite, Rizal at Quezon.

Kabilang sa mga nasawi ay tatlong bata na kinilalang sina Neil John Perez, 12, na nalunod sa swimming pool ng Playa Calatagan Resort, sa Brgy. Santa Ana, Calatagan, Batangas; Julia Kaye Athea Arrazada, 8, na nalunod sa ilog sa Brgy. Lubayat, Real, Quezon; at Judaea Norlysonn Saladino, 6, nalunod naman sa swimming pool sa Club Serene Resort, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.

Nalunod naman ang biktimang si Eugene de Gala matapos na maligo ng lasing sa beach sa Brgy. Salong, Calaca, Batangas.

Nakita namang nakalubog sa tatlong talampakang lalim na tubig ang biktimang si Herminigildo Tabano na hinihinalang inatake sa puso hanggang sa malunod sa beach sa Brgy. Calayo, Nasugbu, Batangas.

Sa Cavite, nasawi rin ang 21-anyos na si Jeffrey De La Rosa na nalunod sa Excellance Beach Resort sa Brgy. Sahud Ulan, Tanza.

Natagpuan namang palutang-lutang sa dalampasigan ng Brgy. Tabangao Ambulong sa Batangas City si Emi­ly Agripa, na nalunod habang nag-a-outing kasama ng mga kaibigan.

Sa Olongapo City, nalunod ang 41-anyos na biktimang si Christopher Cabilin Nuñez, taga-Meycauayan City, Bulacan, sa isang beach resort sa Brgy. Barretto kung saan sila nagdaos ng company outing.(Ronilo Dagos/Jojo Perez)