Abante Tonite Interactive

Homicide isasampa vs 2 pulis-Rodriguez

291

Galing sa baril ng mga pulis na nagsagawa ng anti-illegal drugs operation ang mga bala na nakapatay sa 3-an­yos na batang babae sa Rodriguez, Rizal noong Hunyo 29.

Matatandaang isang buy-bust operation ang isinagawa ng mga tauhan ng Rodriguez Police laban sa suspek na si Renato Ulpina alyas ‘Kato’.
Napatay sa insidente si Ulpina at ang isang kasama nito gayundin si Police Senior Master Sgt. Conrad Cabigao.

Sa report ng Rodriguez Police, ginawa umanong human shield ng tatay na si Renato ang batang biktima na si Mica Ulpina habang nakikipagbarilan sa mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng paslit.

Gayunman, sa ulat ng Calabarzon Police Regional Office 4, luma­labas umano na galing sa mga operatiba ang bala na kumitil sa buhay ng bata.

Batay umano sa imbestigasyon, lumalabas na ang bala na tumama sa batok ni Mica ay posibleng galing sa baril na ipinutok ng nasa­wing pulis na si Cabi­gao dahil sa upward trajectory nito.

“…while the downward trajectory of bullets that hit Mica’s right thumb and left foot was believed to be coming from an elevated position, which was la­ter admitted by PCPL (Police Corporal) Mark Jherson Olaño as corroborated by Pat. Christopher Escayde,” ayon sa pahayag ng Calabarzon Police Regional Office 4.

Suportado umano ito ng testimonial evidence mula sa iba pang pulis kung saan matapos umanong malaman na napatay ang kasamahan nilang si Cabi­gao ay walang habas na nagpaputok umano ng baril si Olaño sa direksyon ng suspek na si Renato na noo’y karga ang anak nitong si Mica.

Kaugnay nito, ini­hayag ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde sa press briefing nito sa Camp Crame kahapon na da­lawang pulis ang sasampahan ng kasong homicide habang 18 iba pa ang masisibak sa kanilang puwesto kabilang na si Rodriguez Police chief Col. Resty Damaso.

Sinabi ni Albayalde na hindi katanggap-tanggap ang mga ganitong insidente na nagkakaroon ng collate­ral damage dahil hindi sinusunod ang standard operating procedure. (Edwin ­Balasa/PNA)