Abante Tonite Interactive

Honda nagsara, 387 worker nganga

722

Isasara na ng Honda Cars Philippines Inc. (HCPI) ang kanilang planta sa Sta. Rosa, Laguna na halos dalawang dekada nang gumagawa ng kotse sa bansa at nagbibigay ng hanapbuhay sa maraming Pilipino.

Ayon sa website na visor.ph, Marso 26 titigil ang produksyon sa planta at 387 manggagawa ang mawawalan ng trabaho.

“To meet Honda’s customer needs in the Philippines for reasonably priced and good quality products, Honda considered efficient allocation and distribution of resources. As such, after consideration of optimization efforts in the production ­operations in Asia and Oceania region, Honda decided to close the manufacturing operations of HCPI,” sabi ng kompanya.

Apektado rin sa pagsasara ng planta ang 60 supplier ng Honda parts at iba pang materyales sa paggawa ng mga sasakyan nito.

Sa kasalukuyan, dalawang uri ng sasakyan ang ginagawa ng Honda sa kanilang planta sa Sta. Rosa: ang City at ang BR-V.

Sabi ng Honda, susulitin nila ang produksyon ng mga sasakyan sa iba pang parte ng Asya para mabi­gay sa Pilipinas ang mas murang sasakyan na de-­kalidad kaya sila nagpasyang isara ang planta sa bansa.

Nagsimula ang operasyon ng nabanggit na ­planta noong Pebrero 1992.

Kauumpisa pa lang ng Department of Trade and Industry (DTI) ng mga hakbang para proteksyonan ang lokal na car industry sa mga imported at titingnan pa lang nito ang pagpapataw ng safeguard duty.

Inireklamo na ng Philippine Metalworkers ­Alliance ang pagdami ng mga imported na sasak­yan na pumipilay sa kanilang industriya. (Eileen Mencias)