Abante Tonite Interactive

Honesty store binuksan ng Abra PNP

467

Habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang buong Luzon ay binuksan naman ang tinaguriang honesty store sa loob ng Abra Police Provincial Office (APPO) sa Camp Juan Villamor sa Bangued nitong Sabado.

Ayon kay Col. Alfredo Dangani, police provincial director sa pamamagitan ng honesty store ay makakatulong ito para hindi na makadagdag sa kasikipan sa mga merkado at grocery sa naturang probinsya.

Sinabi ni Dangani na maipapakita pa rito ang katapatan ng mga tauhan ng APPO kung saan ilalagay lamang ng mga bibili ang kanilang bayad sa designated payment box.

Binubuksan ang nasabing store tuwing Martes at Huwebes kung saan puwede rin naman ibenta ng mga APPO personnel ang kanilang mga local agricultural product.

Aniya, makatutulong ang proyekto para maibenta ang produkto ng mga magsasaka roon.

Nauna dito, naging hakbang ng Abra provincial government na bilhin ang mga local product ng mga magsasaka at mangingisda doon at ang mga ito ang kanilang ipinapamahagi bilang relief goods sa mga mamamayan ng Abra.

Tonite – Wendys Inhouse Ad