Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hontiveros sinilip special permit sa Sinopharm bakuna

0 51

Kinuwestiyon ni Senadora Risa Hontiveros ang pagkakaloob ng compassionate special permit (CSP) ng Food and Drug Administration (FDA) sa Sinopharm vaccine ng China kasunod ng kahilingan ng Presidential Security Group (PSG).

“Kahit nag-issue pa ang FDA ng ‘compassionate special permit,’ kaduda-duda pa rin na may hiwalay na vaccination program ang PSG, labas sa inilatag ng NTF (National Task Force Against Covid-19) para sa publiko. Hindi ito dapat dinededma,” pahayag ni Hontiveros.

Noong Huwebes, inihayag ng Malacañang na nagbigay na ang FDA ng lisensiya para sa 10,000 dose ng Sinopharm vaccine na gagamitin sa mga miyembro ng PSG.

“Lagpas isang buwan na simula nang mabalitaan natin ang iligal na pagbabakuna ng mga PSG personnel, pero nakababad pa rin sa isipan ng marami ang mga tanong. There is no justifiable explanation for why they are keeping this a mystery,” sabi ni Hontiveros.

“Sa patuloy na tila paglilihim, lalo lang dumarami ang naghahanap ng sagot: Ligtas at mabisa ba ang Sinopharm? Kung sinasabing may parating nang mga bakuna sa susunod na 2 linggo, bakit di na lang ito hintayin? May ginastos ba ang taumbayan para dito? Magkano? At higit sa lahat: Bakit ba hinahayaang manatiling misteryoso ang mga transaksyon tulad nito?” tanong pa ni Hontiveros.

Sabi pa ni Hontiveros, wala rin aniya sa punto na magbigay ng CSP gayong dalawang bakuna na ang nabigyan ng FDA ng emergency use authorization (EUA).

“Mabuti sana kung wala pa. Dapat walang fast lane para sa PSG, lalo na kung walang special treatment ang mga health care worker natin na may pinakamalaking sakripsyo sa pandemyang ito,” ani Hontiveros.

Sa kasalukuyan, tanging ang Pfizer-BioNTech ng Amerika at British drugmaker AstraZeneca pa lang ang nabigyan ng EUA ng FDA.

“Hindi naman mahirap sagutin ang mga tanong ng sambayanan kung gagamitin sana ang pangangatuwiran tungo sa katotohanan. The public deserves answers,” ayon pa kay Hontiveros. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.