Abante Tonite Interactive

HORN REMATCH SA MANILA — PACQUIAO

By
10

Tuloy ang negosasyon sa rematch ni Sen. Manny Pacquiao kay Australian Jeff Horn, at posibleng dito sa Pilipinas gawin ang bakbakan.

Napaulat na umatras na ang Pambansang Kamao sa rematch, pero iba ang kinumpirma ni Pacquiao nitong Linggo.

“Sa ngayon, pinag-uusapan pa (rematch). ‘Di matutuloy dun sa Australia, pero dinadala natin dito sa Pilipinas,” ani Pacquiao.

Tinalo ni Horn si Pacquiao noong July 2 sa Brisbane, Australia para agawin ang WBO (World Bo­xing Organization) welterweight belt ng Filipino champion.

Humirit pa noon si Pacquiao na rebyuhin ng WBO ang iskoran sa laban, pero sa re-scoring ng hindi kinilalang panel ng judges ay lumabas na panalo pa rin si Horn.

Dahil sa talo, marami ang nagpayo na mag-retiro na lang sa boksing ang Pambansang Kamao, hindi na raw siya bumabata sa edad 38. Pero nanindigan ang Senator na hindi pa napapanahon para isabit ang kanyang gloves.

Naniniwala si Pacquiao na hindi magiging problema ang gastos kung dito sa bansa gaganapin ang rematch.

“Marami naman tayong mga kaibigan na supportive. Tourism natin, all-out support, ang ating Pangulo nakasuporta. Maganda kasi ‘yan para sa turismo dito sa bansa natin,” ani Pacquiao sa DZBB.